

NAPAKAYAMAN at ismarte lang si Sharon Cuneta magdala ng kanyang personality, lalo pa’t sobra siyang sumikat bilang artista. Ipinagkakamali ng iba na mahirap abutin ang Megastar, lalo na sa mga taong hindi siya lubusang kilala at hindi nakikita ang kanyang kasimplehan bilang tao.
Pero kahit naging napakatagumpay ng movie career ng Megastar, ay kinatutuwaan siya ng mga beteranong artista na kanyang nakakasama sa bawat proyekto na kanyang gawin. Marespeto daw si Sharon sa mga naunang artista na inabutan ng kanyang popularity sa showbiz.
Maraming kapwa artista ang bilib sa ugali ng Megastar, na kapag nakasama ka niya sa proyekto ay hindi siya nakakalimot kahit bumilang pa ng mga taon.
Kahit hindi pa nagkakasama sa pelikula sina Sharon at Vilma Santos, ay may malalim na respeto ang Megastar sa Star for All Seasons.
Hindi nakakalimutan ni Sharon, panahon noon ng pelikulang “Langis At Tubig” ni Vilma, at siya ang kumanta ng theme song ng nasabing movie. May parade noon sa isang malayong probinsiya. Hindi puwedeng sumakay si Vi sa karosa dahil ipinagbubuntis na niya noon si Luis Manzano. Nakiusap ang yumaong direktor ng movie, na si Danny Zialcita na dahil hindi puwede si Vi ay si Sharon na ang sumakay sa karosa para sa parade. Dahil doon, napatunayan na kahit wala si Vi ay dumog ang mga tao at gusto rin nila si Sharon.
Natuwa daw si Direk Zialcita, kaya natuloy ang first movie ni Sharon noon. Dahil din sa nangyari ay sobrang napamahal ang Star for All Seasons sa Megastar.


GERALD ANDERSON, NASA TAMANG EDAD NA KAYA SERYOSONG PAKASALAN SI JULIA BARRETTO
NAGTATAGAL na rin ang relasyon nina Gerald Anderson at Julia Barretto. Pareho lang silang sobrang matahimik ngayon at hindi istilo na porke’t parehong nasa showbiz ay ipangalandakan ang bawat kaganapan sa pagmamahalan nilang dalawa.
Dahil daw kay Julia ay unti-unting nabubura ang naging playboy image ni Gerald noon, na ang pangalan ay napaugnay kina Kim Chiu, Sarah Geronimo, Maja Salvador at Bea Alonzo. Hindi pa nga kasama sa hanay ng mga babaing nabanggit ang ibang babaing niligawan ng aktor, na hindi mga artista.
Napupuri din si Julia, na kahit mas bata siya kumpara kay Gerald ay parang kampante na siya na sila talaga ang magkakatuluyan.
Kapag si Gerald ang tinatanong, ang direksiyon na tinutumbok ng kanyang mga salita ay sana nga, si Julia na ang huling babaing laan sa kanya para pakasalan.
Nitong huli, kahit naman sa kanyang career ay nagparamdam na si Gerald ng pagiging sobrang seryoso sa buhay. Sa tipo ng pelikula ay umaayaw na siyang may permanenteng ka-loveteam para magpakilig sa mga fans. Hindi na raw siya bagay sa mga ganung sistema, dahil hindi na siya bagets.
