


JOJO MENDREZ. The Revival King.
Sobra’ng ingay na ng kanyang pagbabalik. Luminya kaagad na para bang mga sundalo ang mga awiting sunud-sunod niyang palalaganapin sa sari-sari’ng music platforms.
‘Yung pangarap niyang kantahin eh, natupad na. Ang ‘Somewhere in my Past’ ng yumao’ng Julie Vega.
Sa kanta’ng ‘yan naiugnay ang pagsulpot ng dating aktor na si Mark Herras. Na nang makitang kasama ni Jojo sa isang plush hotel eh, nag-ingay ng sobra. At natural na pinag-isipan na ng pagkakaroon ng relasyon sa pagitan nila.
Hindi itinanggi at hindi rin inamin ito ni Jojo. Pero sa paglulunsad ng kanyang kanta’ng ni-revive at ng isang orihinal na komposisyon na siya niyang ipinarinig sa press na dumalo, umeksena na naman ang Mark sa paga-abot ng mamahaling pumpon ng mga bulaklak habang umaawit ito. Sabay halik!
Natapos kaagad ang mediacon dahil umalis si Jojo. Sumama raw ang pakiramdam.
Forward to now.
Sa pagpapalaganap ng awit na isinulat ni Jonathan Manalo para kay Jojo, ang ‘Nandito Lang Ako’, may bagong plot sa ikot ng buhay ng Revival King.
May bago’ng sumulpot na tao na ngayon naman eh, nakita ring kasama niya sa loob ng isang casino at naglalaro sila.
Ang dating Starstruck avenger na si Rainier Castillo.
Tuwi raw bang may bagong kanta’ng paaalagwahin si Jojo ay may kasabay ding susulpot na espesyal na tao sa buhay niya.
Ang bilis lumipad ng ‘Somewhere in My Past. Milyones ang views nito at ng tumangkilik sa binuhay niyang kanta. Pero si Mark ang matatandaan sa kanya’ng ‘yun.
Ngayong meron ng ‘Nandito Lang Ako’, si Rainier na ang pumapaimbulog sa pinaguusapan ngayon tungkol kay Jojo.
At mukhang ito eh, hindi niya itinatanggi. Kahit pa bawal na makunan sila sa loob ng isang gaming casino, mukhang hindi niya alintana, ha!
Dito mas mukhang nakikita ang totoo’ng closeness nila. Bagay sa kanila ang kanta’ng ginawa ni Jonathan under Star Music kung saan nakalagda na ng kontrata si Jojo.
Sa wari ko, malaking inspirasyon ang nangyayari kay Jojo sa pagkakaroon ng mga tao’ng napapalapit sa puso niya.
Pero mukhang magtatagal bago natin makamtan ang pinal na sagot ni Jojo kung sino talaga ang tutumbukin ng mga kataga’ng ‘Nandito Lang Ako’. Siya ba ang magpapatungkol noon sa espesyal na nilalang na makakahawak sa susi ng puso niya?
Tila may iikutang istorya ang mga kanta’ng bibigyang buhay ni Jojo dahil ang susunod kapag natapos ang kabanata sa ‘Nandito Lang Ako’, tiyak na ang pag-kilig ng mga makapakikinig sa ‘Tamis ng Unang Halik’ ang aantabayanan. Nandun pa ba ang dalawang nakalapit na sa puso niya?
Paano kapag nasa ‘Aking Pagmamahal’ na? At sa ‘I Love You Boy (Babe)’. Hanggang sa ‘Pare Mahal Mo Raw Ako’.
Mukhang malawak ang iikutan ng musicality ng Revival King na si Jojo dahil susuportahan ito ng tunay na damdamin ng puso niya.
Fact check lang. Ang laki’ng bagay ng may tunay na damdamin ang loob ng puso lalo na at ibubulalas ‘yun sa pamamagitan ng mga awiting niyayakap ng madla.
Eto na tayo sa ‘Nandito Lang Ako!’
Mukhang mahaba-habang pagsubaybay ito sa paglalakbay ng musika ni Jojo Mendrez. Ang ating Revival King!
