

TANGGAP naman na ni Ruru Madrid ang sitwasyon ngayon na ilang ulit nang pinagkukumpara ang mga teleseryeg pinagbibidahan nila ni Coco Martin. Siya sa pamamagitan ng “Blackrider” at “Lolong” noon at “Lolong: Pangil Ng Maynila” ngayon sa GMA-7 habang sa ABS-CBN naman ang “Batang Quiapo” ng Primetime King ng Kapamilya Network.
Kalma lang din si Ruru kahit na dahil sa sobrang pagkukumpara sa kanila ngayon ni Coco ay ipinamumukha sa kanya at ipinagdidiinan ang maraming pagpuri, mga parangal na natanggap at patuloy pang natatanggap ng bida ng “Batang Quiapo” bilang milya-milyang layo kung ikukumpara sa Kapuso actor.
Ang pinanghahawakan lang ni Ruru sa ngayon ay ang malaking pagtitiwala sa kanya ng GMA-7 na patuloy siyang bigyan ng malalaking proyekto bilang bida sa sunod-sunod na maaaksiyong serye.
Tinitingnan din ni Ruru, na ang mga teleseryeng pinagbibidahan nila ni Coco ay parehong maaksiyon, kaya sila pinagkukumpara.
Kung pinagaganda at pinaghihirapan ni Coco ang kabuoan ng pinagbibidahan niyang teleserye kaya nagtatagal sa ere, ay ganun din maman si Ruru sa kanyang teleserye. Sa katunayan, nabalian at napilayan siya ng kanyang binti at paa sa ilang mahihirap na eksena ng nasabing serye, kaya kinailangan niyang magpagsmot at gumaling.
Sa mga pagkukumpara ay ayaw magpaapekto ni Ruru. Buo rin ang kanyang loob para sa ikagaganda pa ng kanyang serye. Mataas ang respeto niya kay Coco, dahil alam niyang trabaho lang nila ang dahilan ng mga pagkukumpara. Alam din niya na hindi maramot si Coco para sa tagumpay ng kapwa niya artista.

ISABEL RIVAS, WALANG AMBISYON MAGING PULITIKO
WALANG pagkontra ang mahusay na aktres na si Isabel Rivas sa mga kapwa niya artistang pumapasok sa larangan ng pulitika. Pero marapat lamang daw na huwag nilang panghawakan lang ay ang kasikatan para kumandidato. Bagkus ay maglingkod nang tama kapag naihalal na.
“Oo naman. Para sa akin ay okey na pumasok ang mga artista sa politics, basta gawin nila ang tama,” pahayag ni Ms. Isabel.
“Katulad niyan, ipagtanggol ang Pilipinas against Chinese invasion. Kasi kawawa na talaga ang bansa natin. Dapat working ang mga public servants natin.
“‘Yon lang naman ang dapat na criteria natin para sa kabutihan ng pang-maramihan. ‘Yong hindi naman super pang-sarili lang ang goals nila.
“Kasi after all, hindi naman natin madadala sa hukay ang kahit ano…
“Ayoko ng mga pulitikong makasarili. ‘Yong sobrang makasarili, sa hell din naman mapupunta, dahil pinahihirapan nila ang mga tao dito sa mundo.
“Oo naman. Nasa puso mo yan kung gusto mo talagang maglingkod ng totoo para sa mamamayan. Mayroon siyempreng mga artista na puwedeng maglingkod ng ganyan.”
Nitong nakaraang May 12, 2025 Election ay aktibo si Isabel na nag-endorso ng mga kumandidatong artista. Kilala siyang matulungin sa showbiz. Wala ba siyang planong pumasok sa pulitika?
“Naku, friend! Ayokong sumakit ang ulo ko. Okey na ako sa life ko. Simple, but stress free,” wika ni Isabel.
