
NAGBIGAY ng kanyang mga paunang pahayag ang daddy ni Carla Abellana, ang dating matinee idol na si Rey PJ Abellana. Ito’y tumutukoy sa mga hindi niya sinasang-ayunan mula sa mga naging pahayag ng kanyang ex-wife na si Rea Reyes, dating aktres, anak ng yumaong beteranang aktres na si Ms. Delia Razon.
Ang mommy ni Carla ay nainterbyu ni Julius Babao para sa “Julius Babao Unplugged”. Sa nasabing panayam ay may mga nauungkat pa tungkol sa mga nakalipas, na naging dahilan ng hiwalayan nina Rea at Rey. Makatawag-pansin ang pagsisiwalat, dahil dikit nga ito sa pangalan ni Carla, na siyempre pa’y isa sa pinakasikat na aktres na pambida ng GMA-7.
Sa tono ng pananalita ni Rey, ay may mga bahagi rin ng nakaraan na hindi na nabigyang-linaw. Na tipong unfair din naman para sa kanya na ang nadinig ng publiko ay ang panig lamang ng kanyang ex-wife, samantalang mayroon din naman siyang puwedeng sabihin tungkol sa isyu na binuksan ng mommy ni Carla.
Nakakabahala ito kung pagkatapos ng mahabang panahon ng mga pananahimik tungkol sa nakaraan at dahilan ng nasabing hiwalayan ay may mga mauungkat pang mga paksa na hindi na dapat mabilad sa publiko dahil anuman ang kanilang pinagdaanan, naging pamilya rin sila.
Mabait na tao si Rey. Inabutan namin siya sa Seiko Films nung naging publicist din kami sa nasabing movie company. Diretso ang guwapong aktor kapag nagsalita na siya tungkol sa mga isyu.
Bilang anak, sana’y maging instrumento si Carla, para kung sakali ay maging mapayapa ang susunod na pagbibigay ng mga pahayag ng kanyang daddy, bilang sagot tungkol sa mga naunang pahayag ng kanyang mommy. Para hindi iyon magresulta ng patutsadahan kung sino ang tama at mali.

DATING MATINEE IDOL NA SI ROBBY TARROZA, MINAHAL ANG SHOWBIZ
PARANG kidlat ang biglang pagsikat noon sa showbiz ni Robby Tarroza. Marami ang nabighani dahil sa kanyang kaguwapuhan. Pero bigla rin habang dumarating ang kasikatan ng ibang kabataang artista noon, ay unti-unting nawala siya.
Hinahanap noon ng mga tao ang guwapo niyang mukha. Marami ang nabitin sa kanyang kasikatan. “I only did one movie during my youth. Ito ‘yong ‘Naughty Boys’. Nitong hindi na ako bagets, ang huling movie na ginawa ko ay ang ‘Pagari’,” banggit ni Robby.
Pinili din naman ni Robby sa panahong nasasapawan na sa showbiz ang kanyang kasikatan ay huwag na lang ipilit ang kanyang sarili.
Pero simple rin ang mga paramdam ni Robby nang unti-unti ay muli niyang balikan ang showbiz, dahil isa na siyang matagumpay na negosyante.
Nasa showbiz din ang maraming kaibigan ni Robby, kaya isa sa mga negosyo niya ang ang magprodyus, bilang pagmamahal niya sa showbiz.
Pero sa panahon ng kabataan ni Robby, hanggang ngayon na isa na siyang negosyante, ay mayroon pala siyang hindi nagustuhang sistema sa showbiz.
“Masaya naman sa showbiz. Pero ang napansin ko lang, na ayokong sistema, yong sa paggamit o trato sa mga artista habang sikat. Tapos binabalewala na kapag laos na. Sana bigyan pa rin ng trabaho maski hindi bida,” wika pa ni Robby.

