


Naging stepping stone noon ni Carlos Morales (Carl M. Woodruff, Jr. in real life) ang paggawa ng sexy films noong dekada 2000.
Katunayan, naging daan ito para mapansin ang kanyang potensyal bilang magaling na aktor at maging nominado bilang best actor sa Gawad Urian para sa pelikulang “Laro Sa Baga” ni Direk Chito Rono.
Nagwagi naman siya ng best actor award sa PMPC para sa nabanggit na obra ni Edgardo Reyes.
Ilan pa sa acting credits niya ang “Babaeng Putik”, “Red Diaries”, “Bigasan” atbpa.
Sumabak naman siya sa pagdidirehe noong 2015 via “Piring” kung saan siya nanalo ng best screenplay at second best picture awards sa 2nd World Premieres Film Festival.
Nag-aral din siya ng filmmaking course sa New York Film Academy noong 2016.
Nagwagi rin siyang best actor sa 7th International Film Festival Manhattan (IFFM) taong 2017.
Noong namang 2020, nagdesisyon siyang makipagsapalaran sa ibang bansa dahil sa di kasiguraduhang dala ng Covid 19.
Dahil graduate naman ng nursing sa Olivares College sa Paranaque, nagamit naman niya ang kanyang degree sa kanyang pagpunta sa Amerika.
Kumuha siya ng nursing licensure exam sa US where he passed with flying colors.
“Feeling ko kasi nothing is certain that time. Hindi natin alam kung ano ‘yung extent nung COVID na ‘yun, so pumunta ako sa States, ‘tapos nag-exam ako,” pagbabalik-tanaw niya. “Fortunately, I passed and then, my mom died. Medyo parang na-depress din ako, so I have to stay there for a bit bago ako bumalik ngayon,”dugtong niya.
Kahit lisensyado nang nars, iniisip daw ni Carlos na bumalik sa bansa once and a while.
“Siyempre, passion ko na rin ang filmmaking pati na ang showbiz. So, kung may projects, I will just, you know come back and forth,”sey niya.
Sa ngayon, muli na namang magpapakitang gilas si Carlos dahil natapos na niya ang dream project niyang “Wild Boys” na ang target playdate ay Hulyo o Agosto.
“It’s a dream project for me. Noong kasing teenage years ko, I was a dancer at gusto ko talagang gumawa ng film na puwede kong maipakita iyong other side ko, which is dancing,” pahayag niya.
Bago pa man naging artista, naging miyembro si Carlos ng Exclusive Dancers, ang dance group na regular na nagsasayaw noon sa defunct youth-oriented television show na That’s Entertainment ni German Moreno.
Naranasan din niyang magtrabaho bilang hip-hop dance tutor sa Slimmers World, isang fitness center kung saan manalo siya sa Great Bodies contest ng nabanggit na fitness gym.
“Passion ko talaga ang pagsasayaw,” ang sabi ni Carlos.
Proud naman niyang ibinahagi na ang original tracks na ginamit sa pelikula ay konsepto niya.
“Through the movie, I was able to incorporate iyong passion ko for music. Iyong tracks sa film, lahat siya original. Tapos, binusisi talaga namin iyong pagkaka-conceptualize ng music sa tulong ng beat makers and other artists,” lahad niya.
Dahil it’s raining men ang peg ng movie, sumailalim daw sa fitness training at nag-obserba ng strict diet ang male cast na all are oozing with machismo.
“Saludo ako sa cast and crew ko.They are very professional and collaborative. During the shoot, we made sure to set aside our egos to be able to focus on the film,” esplika niya.
Hirit pa niya, kakaibang excitement daw ang hatid ng pelikula.
“Wild Boys is a unique blend of Magic Mike, Step Up, and Stomp the Yard. It’s one-of-a-kind, and we’re confident it will bring joy, excitement, and inspiration to our audience,” pagtatapos niya.
Ang “Wild Boys” ay pinagbibidahan nina Aljur Abrenica, Vin Abrenica, Martin Escudero, Kristofer Garcia, Nico Locco, Hashtag Jimboy Martin, Arwind Santos, Christian Ty, Billy James, Christian Singson, Rash Flores at Pedro Red. Kasama rin sa supporting cast sina Rolando Inocencio, Cataleya Surio, Mariposa, CJ Garcia, Krista Miller, Ina Alegre, Atak Araña, Inday Garutay Paul Alvarez at iba pa.
Bukod sa “Wild Boys”, tapos na rin niya ang pelikulang “Rolyo” na balak niyang isali sa mga prestihiyosong film festivals.
Nasa production stage na rin ang “Latay”, isang pelikula tungkol sa hazing na tampok sina Paul Salas, Buboy Villar, Lance Serrano at iba pa.
