
KAPAG ganitong panahon ng tag-ulan…tiyak ang kakambal niyan ay kabi-kabilang baha.
Baha sa iba’t ibang panig ng bansa at ang baha ay ang pinaka numero unong problema ng mga taga Metro Manila at karatig na mga probinsiya.
Ito rin yung panahon na mapapamura ka na lang dahil tuwing matatapos ang malalim na baha ay hindi lamang makapal na putik ang babati sa inyo kundi ang sandamukal na basurang itinapon ng mga walang disiplina nating mga kababayan sa mga kanal, ilog at sa mga tabi-tabi.
At kadalasan din, nangyayari na yung mga basurang palihim na itinapon mo sa tabi-tabi lang partikular yung malapit sa bakuran ng inyong kapitbahay ay bumabalik din sa bakuran mo sa ayaw mo man at sa gusto dahil natangay ng malakas na agos ng baha na di mo mapipigilan.
Tsk Tsk bilyun-bilyon (daw) kasi ang pondo diyan sa flood control project ng bansa eh hindi malaman kung kani-kaninong salamangkero lang napupunta.
Okey…ang totoo niyan ay hindi literal na usapang basura ang ating tutumbukin sa kolum nating ito.
Madalang na tayong gumawa ng kolum sa ating online news website kaya pasenya na po kayo kung napahaba po ito.
Nais lang nating magbigay ng ating opinyon sa pambansang tsismis ngayong linggong ito na walang iba kundi ang walang kamatayang impeachment case laban kay vice president Inday Sara Duterte na isinampa laban sa kanya ng Kamara na ipinasa naman sa Senado.
Noon pa mang unang umusok ang isyu na yan, nagbigay na tayo ng ating opinyon na isang malaking pagsasayang at napakalaking kamalian ang tungkol sa impeachment case na ‘yan.
Hindi mo kailangang maging abogado, maging mambabatas o maging senador para hindi mo maunawaan na hindi naman totoong katotohanan ang mahahanap mo sa impeachment dahil yan ay isang sandatang pampulitika at hindi naman tulad ‘yan ng kaso na isinasampa sa ating mga husgado o korte.
Kahit naman ma-convict at mapatunayang totoo ang akusasyon laban sa pinatatalsik na halal o appointee na isasalang sa impeachment trial ay hindi naman yan makukulong kundi maaalis lang sa kanyang pwesto maliban kung masusugan ng hatol ng isang korte.
Kaya ang tamang ginagawa talaga sa mga inaakusahan ng mga paglabag sa batas, pangungurakot o anu pa mang mga kaso na tulad nito ay dapat doon sa ombudsman nila isinasampa at sa korte.
Kaya sa naging pahayag ni Senator Imee na para sa akin ay ang pinakatotoo sa lahat ng mga naging pahayag ng mga senador kahapon sa gitna ng kanilang mainit na pagtatalu-talo…”HINDI TANGA ANG MGA PILIPINO!”
O, di ba…’yun ang totoo.
Hindi tayo mga tanga para hindi maintindihan na ang impeachment ay isang pampulitikang isyu lamang.
May nais lang kayong alisin na kalaban sa pulitika na mukhang hindi ninyo kayang talunin sa darating na labanan kaya lahat ng paraan ay gagawin ninyo para mawala siya sa inyong landas.
At itong impeachment ay isang napakabisang paraan dahil oras na na-impeach si VP inday ay hindi na yan maaring tumakbo sa susunod na eleksyon.
‘Yung sinasabi nating basura mo na ibinalik sa iyo?
Well, dahil sa pagpirma ng nakakaraming mambabatas 215 yata yung pumirma para ma-impeach si VP Sara sa isang proseso na kinukuwestyon ng marami kung talaga bang nakasalig o batay sa mga ebidensiyang naipresenta na sapat para patalsikin sa kanyang posisyon ang bise, malinaw na makikita natin diyan na ang impeachment ay sandata lamang na pampulitika dahil hindi naman mahalaga rito kung totoo o hindi ang akusasyon…ang importante dito ay ang bilang kung ilan ang kakampi mo sa Kamara at kung ilan ang kasangga mo sa Senado.
Ang mga atat na atat na ma-impeach si VP Sara at karamihan sa mga pulitkong nagsulong nito ay nangamote sa nakalipas na mid-term elections.
Sila yung sa tingin ng netizens ay mga pulitikong pinagagalaw ng aninong gumagalaw sa kanilang likuran.
Ngayon ay nag-iiyakan sila nang nagdesisyon ang Senado na ibalik sa kanila ang kanilang isinampang kaso upang kanilang mas mahimay at maiayos.
Bakit daw ibabalik eh andun na sa kanila?
Eh nagbotohan…at yun ang napagkaisahan…ibalik sa kanila ang mga papel na kanilang ipinadala matapos na magwagi ang mosyon para ibalik ito sa kanila sa botohang 18-5 pabor at hindi pabor.
Labag sa konstitusyon dahil hindi sinunod ng Senado ang nakasaad doon tungkol sa impeachment?
You’re deadly wrong!
Nag-convene at nanumpa ang presiding officer at mga senator judges…napagbotohan ang desisyon na ibalik sa Kamara ang kaso at yun ay legal tulad din ng kanilang isinagawang pagbobotohan sa Kamara para maisulong ang impeachment.
Malinaw na isinilang ang impeachment case dahil nakakuha ng sapat na bilang ang mga mambabatas para isulong ang impeachment case laban kay VP pero dahil lamang sa bilang ang mga Senador na gustong magtrabaho na lang sila para maipasa ang mga nakabinbing batas na nais nilang maipasa kaysa maging senator judges sa ikinakasang impeachment trial, ayun ibinalik sa kanila kung ano ang kanilang ginawa.
Kung halimbawa at natuloy ang impeachment trial, makakasiguro ba tayo na ang mananaig diyan ay ang katotohanan?
Hindi!
Ang mananaig diyan ay kung ilan ang bilang na papabor sa isang panig.
Ganyan ang impeachment.
Nakita na natin yan sa panahon nina Pangulong Erap at Justice Corona.
Para sa akin kung may kasalanan si VP Sara andiyan ang ombudsman at mga korte…andami na nga na nakasampang kaso di ba?
Hintayin nyo na lang yun kung ano ang magiging desisyon.
‘Yung isang ipinagdidiinan ay yang confidential fund na ginastos umano ng mali ng opisina ng VP at isa yan sa malalim na dahilan kung bakit siya gustong litisin…confidential fund nga eh di confidential hahaha. Kahit sinong matino yung tanungin ninyo ang isasagot sa inyo …ang confidential fund ay karaniwang ginagamit sa paniniktik, pagsasagawa ng mga palihim na pag-iimbestiga at hindi na nangangailangan na idetalye kung saan at kung paano ginastos.
Kaya yung sinasabi ng isang pulitiko na harap-harapan tayong niloloko dahil sa desisyon ng Senado na ibalik sa Kamara ang usapin ng impeachment…kayo ang luku-luko!
Gusto ninyong sayangin ang oras ng mga Senador at sayangin ang pera ng bayan sa kakapiranggot na panahon ng 19th congress para lang mapagbigyan ang kapritso ng mga ayaw sa mga Duterte?
Kahit ang mga Marcos nga na kaalitan ng mga Duterte ayaw ng impechment eh kasi magkakahati-hati lang talaga tayo diyan.
At sinabi rin ng Pangulong Marcos na hindi makakatulong ‘yan sa pamumuhay ng mga pilipino.
‘Yung panukala na taasan ang sahod ng mga manggagawa at yung panukala sana ni Sen. Jinggoy na alisin na yung Kto 12 yun mas may pakinabang ang mga pinoy diyan.
‘Yung mga nananawagan at atat na atat sa impeachment na ‘yan…madala na kayo…sa kangkungan nga kayo pinulot ah.
At sa mga nag-aambisyon sa 2028 elections…antagal pa nun trabaho muna kayo!
Tsk tsk malakas ang agos ng tubig ulan sa labas ng Senado kahapon…kaya hindi imposible na may mga basurang natangay ang agos…malakas yung agos eh…