
TULUY na tuloy pa rin ang General Voters Registration na nakatakdang simulan sa darating na Hulyo 1, 2025 kung sakali mang muling maipagpaliban ang ang nakatakda sana na Barangay at Sangguniang Kabataan elections kasunod ng naging pag-approve sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara sa House Bill No.11287 o ang pagbabago ng term of office ng mga Barangay at SK officials mula sa dating 3 years ay gagawin na itong 6 years.
Katunayan ay patuloy ang ginagawang procurement ng mga gagamitin sa Barangay at SK elections ang Comelec kabilang na diyan ang mga ballot boxes at mga ink dahil ayon sa pamunuan ng komisyon ay hindi naman umano ito makakaapekto sa gastusin nila habang hindi pa naman sinisimulan ang pag-iimprenta ng mga balota.
Anu’t ano man kasi ang maging resulta ng nasabing bill ay mahalaga rin naman na maituloy ang pagpaparehistro ng mga mamamayan na mga hindi nakaboto nitong nakalipas na mid-term elections.
Pagkakataon na rin kasi talaga ang GVR na yan sa buwan ng Hulyo dahil una nang inanunsyo ng Comelec na ang susunod na pagpaparehistro ay sa darating pang Enero gagawin.
At tulad ng Comelec na patuloy ang ginagawang paghahanda sa nabanggit na eleksyon ay panay naman ang paandar at pautot ng mga iba’t ibang Barangay para magpapansin sa mga botante sa kani-kanilang mga lugar na nasasakupan.
May nakikita nga tayo na mga Barangay officials na sa totoo lang ay nakakagigil ang katamaran dati lalo na sa pangongolekta ng mga basura at paglilinis ng mga kanal ay hayun at hindi lang nag-uutos kundi kasama pa ng kanilang mga tauhan na nagkakalkal sa mga kanal.
Kunsabagay, wala namang bago sa mga ganyan…bahala nang humusga sa kanila yung mga nasasakupan nila.
Alam naman nila kung ano ang pinaggagagawa ng mga ‘yan sa panahon ng kanilang panunungkulan.
Nasa kanila kung pagbibigyan pa nila o hindi ang mga yan sa susunod na eleksyon.
Pero sana, ginagawa nila ‘yan hindi lamang tuwing nalalapit na ang halalan.
Dapat ay normal nilang ginagawa yan sa panahon ng kanilang panunungkulan dahil tungkulin nila yan na sinumpaan.
Kung sa ating sariling opinyon naman ay makakabuti marahil kung palalawigin sa anim na taon ang termino ng mga Barangay at SK officials dahil isa itong paraan para magkaroon sila ng mahabang buwelo para makapagsagawa ng mga proyekto at programa na magiging kapaki-pakinabang sa kani-kanilang Barangay.
Kalokohan naman yung iniisip ng iba na pahahabain lamang umano ang taon ng pagnanakaw ng mga yan.
Puwede naman kayong mamili ng maayos ng mga kandidato na inyong iboboto.
Bakit kayo maghahahalal ng mga personalidad na alam ninyong mga kawatan at tulisan.
Kilatisin muna ninyong mabuti ang inyong pipiliin na iluluklok sa posisyon para mamuno sa inyong mga Barangay.
Kayo rin kasi ang magdudusa diyan kapag nagkamali kayo sa inyong pagpili.
Ipagpaliban man o hindi ang darating na BSKE ay dapat na rin naman makapagparehistro talaga bilang paghahanda na rin para sa 2028 elections yan.