


NAKAMIT ng Alas Pilipinas ang kauna-unahang silver medal sa loob ng 64 na taon sa kasaysayan ng AVC Women’s Volleyball Nations Cup at taas noong tinanggap ang naging pagkatalo sa powerhouse na Vietnam national team sa kanilang championship game kagabi sa Hanoi, Vietnam.
Bagama’t nabigo at yumukod sa mas mahuhusay at mas solid na koponan ng Vietnam sa kanilang pagtutuos para sa kampeonato ng 2025 AVC Nations Cup, walang dapat na ikahiya ang tropa ni coach Jorge Souza De Brito matapos na makuha nila ang silver medal sa torneo na mas mataas na kanilang naabot kaysa bronze medal na kanilang nakamit sa katulad na paligsahan noong nakalipas na taon.
Kahit pa tinalo sila ng Vietnam sa pamamagitan ng pagwalis sa kanila sa unang tatlong sets ng host country ay naitala naman nila ang best finish na nagawa ng alinmang Women’s Volleyball team ng bansa na nakipagkumpetensya sa international tournament.
Tinanghal na bronze medalist ang koponan ng Chinese Taipei matapos talunin ang Kazakhstan national team na bumaba mula sa dating ikalawang puwesto noong nakalipas na taon at naging ikaapat lamang ngayon.
Nagkamit naman ng individual awards sa ikalawang magkasunod na taon sa ligang ito ang 8-time PVL best setter na si Jia De Guzman bilang 2025 AVC Nations Cup Best Setter at Angel Canino bilang Best Outside Spiker at nakasama sa mythical team ang kanilang kasamahan na si Del Palomata na nagkamit naman ng karangalan bilang Best Middleblocker.
Si Canino na tinanghal bilang Best Opposite Spiker noong nakaraang taon ay nakakolekta ng pambihirang 74 points sa kabuuan mula sa 62 attacks, 7 blocks at 5 aces.
Nakapagtala naman si De Guzman ng 24 Excellent sets sa loob ng limang laro habang si Palomata ay naglista ng 35 points.
Ang naging paglago ng mga young guns ng koponan na sina Bela Belen, Alyssa Solomon, Shaina Nitura at iba pang mga batang miyembro ng national team ay isa nang malaking panalo para kay De Brito at sa bansa dahil sila ang inaasahan na magandang kinabukasan ng larong volleyball dito sa ating bansa sa hinaharap.
Tinanghal na Most Valuable Player ng liga ang ace player ng Vietnam na si Nguyen Thi Bich Tuyen.