





NATAGPUAN kahapon ng hapon ang bangkay ng isang binata na nag-amok sa Lupang Arenda sa C-6 sa Taytay, Rizal at pagkatapos ay tila wala sa sariling lumusong sa malalim na bahagi ng Laguna Lake palabas ng Pasig river at bukana ng Napindan Taguig City.
Ang biktima ay nakilalang si Charles Abucay Sumido, 26 na taong gulang at residente ng Purok 5 Lupang Arenda, Barangay Sta Ana, Taytay, Rizal.
Ayon sa ina ng biktima na si Mrs. Cherry A. Sumido nang nakapanayam ng inyong lingkod, biglang nagwala ang kanyang anak sa kanilang lugar at lahat ng nakakasalubong ay gusto niyang saktan at sinusugod hanggang sa nakakuha pa umano ito ng kutsilyo bago nagtatakbo ito hanggang makarating sa kahabaan ng C-6 sa may area ng Purok 6 ng Lupang Arenda.
Habang patuloy ang kanyang pag-aamok ay natanaw nito ang ilog sa di kalayuan at nagmamadali itong tumakbo papunta doon at saka lumusong sa tubig.
Pilit umanong sinasaway at pinipigilan ng kanyang ina at ng mga taong naroroon ang biktima subali’t tuloy lang siya paglusong sa tubig hanggang makarating sa gitna at doon na ito lumubog at hindi na muli pang lumutang.
Agad namang rumesponde sa lugar ang Team 2 ng Municipal Public Safety Department sa pamumuno ng kanilang TL na si Rico Bingco kasama ang mga miyembro ng MPSD na sina Dequillo, Amagsila, Roa, Marco, Evalle at Perayra at dumating din doon ang miyembro ng Philippine Coast Guard na si PCG SN1 Malazzab para tumulong sa pagsagip sa nawawalang binata na pinaniwalaang nalunod.
Makalipas ang ilang oras ay natagpuan na rin ang lumutang na bangkay ng lalaki na lumulutang sa ilog.
