
GRABE ang nangyaring pananalasa ng mala-demonyong bagyo na si typhoon TINO.
Wasak as in super salanta ang inabot ng iba’t ibang lugar sa kabisayaan partikular ang naging mabangis na hagupit nito sa lalawigan ng Cebu.
Kauna-unahang pangyayari ito sa lalawigan na halos ilubog na ang ilang bayan nito sanhi ng flashfloods kung saan ni hindi nagawang makapag-impake `ng mga residente at natagpuan na lamang nila ang kanilang mga sarili sa ibabaw ng bubungan ng kanilang mga bahay habang pinagmamasdan ang pagragasa ng nakakatakot na baha.
Umabot ang lalim ng baha hanggang sa second floor ng kanilang mga tahanan at wala silang nagawa kundi ang panoorin na lang habang sinisira ng mapaminsalang tubig baha ang kanilang mga ari-arian kabilang na ang kanilang mga alagang hayop, mga sasakyan at mga kagamitan sa bahay.
Dahil sa bilis ng pagdating ng baha ay talagang nataranta na sila at walang ibang naisip kundi iligtas na lamang ang kanilang mga sarili at kalimutan na ang anumang bagay na maari nilang maisalba.
At habang nilulunod ng baha ang kanilang mga lugar, ang buwisit na anino ng maanomalyang mga flood control projects sa iba’t ibang lugar sa bansa ang muling nanariwa sa kanilang mga isipan at sa mga memorya ng mga nakapanood ng videos ng naganap na malaking baha sa kabisayaan.
Isipin na lamang na nagtatampisaw sa karangyaan ang mga animal na may pasimuno ng katarantaduhan na yan habang ang mga pobreng nabibiktima ng ganitong mga kalamidad na sila ang may pananagutan ay marangyang namumuhay sa kanilang mga mansion at de air-con na mga silid.
Grabeng kapal ng mga mukha ng mga hayup na mga kontraktor at mga pulitikong ito.
Sana’y maghimala ang itaas at sila ang susunod na makita natin na inaanod ng nagpuputik na baha na sila ang may gawa at may tunay na pananagutan.
Paano pa kaya nakakatulog ang mga hayup na ito.
Ayon mismo kay Cebu Governor Pam Baricuatro ay puro sub-standard at ghost project ang ginawa sa nakalipas na ilang taon bago pa man siya naupo sa posisyon bilang punong lalawigan.
Napakalaki at bilyun-bilyong pondo umano ang kinain ng mga proyekto tungkol sa flood control sa iba’t ibang lugar sa kanilang lalawigan na sa kasamaang palad ay walang naging kapaki-pakinabang isa man sa mga ito.
” Karamihan ay sub-standard at ang iba ay mga ghost projects, ” napapailing na pahayag ni Gob. sa isang panayam.
Magkahalong galit sa mga taong responsable sa mala-demonyong pagnanakaw na ito sa kaban ng bayan at pagkahabag sa kanyang mga kalalawigan na naging biktima ng lupit ng kalikasan at kademonyuhan ng mga pulitiko at contractors na nagsabwatan para pagsamantalahan ang mga pobreng mamamayan na kanilang naranasan.
Nakakakilabot ang pangyayaring ito at talagang mahahabag ka na lang sa ating mga kababayan sa Cebu na katatapos pa lamang salantain ng malakas na paglindol ay binuhusan naman ng tubig baha.
Dahil sa pangyayaring ito ay patuloy lamang na nabubuhay ang isyu tungkol sa maanomalyang mga flood control projects na kahit paulit-ulit na gustong burahin ng tunay na may mga kasalanan dito ay hindi mamatay-matay ang isyu.
Ito na siguro ang maituturing na pinakamatinding isyu ng taon na napakahirap burahin at kahit ano pa sigurong mas malaking balita ang dumating ay hindi na ito makakaya pang pawiin.
Tsk tsk tsk.
Marahil, hangga’t walang nakukulong…hangga’t walang tunay na nananagot at habang patuloy na gumagala ng malaya ang mga walanghiyang ganid na may pakulo ng katarantaduhan na ‘yan ay hindi mahihinto ang mga usapan na may kinalaman sa isyu na ‘yan.
Gud luck sa inyo mga kawatan…may paparating na naman na malawakang protesta sa buwan na ito…sana’y maging tahimik at maayos ang anumang kilos protesta na isasagawa sa mga darating na mga araw.
Magandang araw po sa lahat.
