
BUMITIW na sa kanyang posisyon ngayong Biyernes, Disyembre 5 bilang Department of Justice (DOJ) Undersecretary si Jose “Jojo” Cadiz Jr.matapos na madawit kamakailan ang kanyang pangalan sa diumano’y maanomalya at kontrobersyal na flood control projects ayon sa Malakanyang.
” Sa ating pagkakaalam siya po ay nag-submit na ng kanyang resignation, ” pahayag ni Palace Press Officer Usec. Claire Castro kanina.
Matatandaan na nabanggit ni Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co ang pangalan ni Cadiz sa isang video na inilabas nito kung saan idinawit ang huli na diumano’y tumanggap ng kickback para kay Pangulong Ferdinand Marcos. Jr.
Batay sa video ni Co, sinabi nito na inutusan umano siya ni dating House Speaker Martin Romualdez para magbigay ng pera kay Cadiz na umano’y may access sa drop-off point di kalayuan sa bahay ng pangulo.
Ang alegasyong ito ni Co sa kanila ay mariing itinanggi ng pangulo at dating pinuno ng kamara.
Hindi naman makumpirma ni Usec. Castro nang siya ay tanungin kung totoo o hindi na naging aide o naging malapit sa pangulo si Cadiz.
Bago pa ito ay naglabas na ng pahayag ang DOJ sa pamamagitan ni acting Secretary Fredderick Vida na walang anumang epekto sa ahensiya kaugnay sa isinasagawang imbestigasyon nito sa anomalya.
Ayon pa sa DOJ, si Cadiz ay naka-leave mula Nobyembre 21 hanggang 28.
Sinabi ni DOJ spokesperson Atty. Polo Martinez, si Cadiz ay naghain ng kanyang resignation sa Office of the president dahil siya ay isang Presidential appointee.
Bukas naman para sa imbestigasyon ukol dito ang tanggapan ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla at upang makapag-imbestiga kung totoong may kaugnayan si Cadiz sa kontrobersyal na maanomalyang proyekto ng flood control.
