
DAHIL sa hindi matinag pa rin na mataas na presyo ng galunggong sa mga pamilihan, naglabas ng pahayag ang Department of Agriculture (DA) para sa mga mamimili na magsumbong sa kanila kapag mayroong mga palengke o pamilihan na hindi sinusunod ang kanilang ipinatutupad na suggested retail prices sa karneng baboy, manok, at mga gulay partikular sa presyo ng sibuyas, carrots at iba pa.
Sinabi ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel, batay sa ginawa nila na mga pag-iikot sa ilang pangunahing mga palengke sa Lungsod ng Quezon ay natiyak nila na sumusunod naman umano sa pagbebenta sa tamang presyong mga nabanggit na produkto ang mga pamilihan na kanilang napuntahan.
Makabubuti umano na maging parehas sa pagbebenta ang mga retailer at mga vendor at hindi dapat samantalahin ang papalapit na mga okasyon upang magtaas ng presyo ng kanilang mga paninda kahit hindi naaayon sa itinakda na SRP.
Sa kasalukuyan ay nananatili pa rin na mataas ang presyo ng isda partikular ang galunggong kaysa halaga ng kilo ng manok subalit mayroon namang mga ibang uri ng isda na mas mababa ang halaga.
Nagbabala naman ang DA na mananagot at tiyak na mapapatawan ng kaukulang parusa ang sinumang hindi susunod sa itinakdang suggested retail price.
