

PASISIKLABIN ngayong gabi ang magarbo at makulay na opening ceremony ng 33rd Southeast Asian Games sa Rajamangala Stadium sa Bangkok, Thailand.
Ang pagbubukas ng 11-day event ay pormal na sasargo sa ganap na alas-6:30 ng gabi kung saan ay ipi-presenta ng host nation na Thailand ang magiging highlight ng paligsahan na sasagisag sa pagkakaisa ng buong rehiyon batay sa konsepto nito na ” We Are One.” Ang word na “One” ay may tatlong kahulugan na magbibigkis sa lahat, one in victory, new beggining at togetherness.
Ang SEA Games ay muling magbabalik kung saan ito nagsimula may 66 na taon na ang nakakaraan kung saan idinaos ang 1st Southeast Asian Peninsular Games na ginanap sa Bangkok, Thailand noong December 12-17, 1959.
Ang Cambodia na isa sa anim na original member ng SEAP Games Federation ay bigong magpartisipa sa inaugural SEAP Games.
Ang opening ceremony ay katatampukan ng five performance segments na ang bawat isa ay may magkakaibang highlight kung saan ay ihahatid ang lahat sa isang paglalakbay pabalik kung paano at saan nagsimula ang SEA Games at kung saan matutunghayan kung paano nahabi ang pagkakaisa ng mga bansa at mayamang pagkakaiba-iba.
Isa sa highlight na pakaaabangan sa opening ceremony ay ang eksplosibong performance ng Thai-born K-pop star Bambam Kunpimook.
Kabilang din sa mga mapapanood sa pagtatanghal ay ang performances ng mga Thai atthletes, beauty queens, entertainers, singers, musicians at songwriters tulad nina Jeff Satur, Suchata “Opal” Chuangsri, Proxie, LYKN48 at Butterbear.
Tampok din ang parada ng mga delegasyon mula sa 11 bansa na miyembro ng SEA Games habang ang finale ay ang pagsisindi ng cauldron sa new format nito na magiging hudyat na pagsisimula ng paligsahan.
Samantala, ang Pilipinas ay nagpadala ngayon ng pinakamalaking contingent sa kasaysayan ng SEA Games na kinabibilangan ng mga mga atleta na paulit-ulit nang nagkamit ng medalya, olympic veterans at mga bagong dugong mga manlalaro na umaabot sa bilang na 1600 na delegado kabilang ang mga opisyales ng sports ng bansa.
Ang magiging flag-bearers ng Pilipinas sa event na ito ay ang sikat na Pinay Tennis star na si Alex Eala at volleyball star na si Bryan Bagunas.
