
SINAMPAHAN ng P110-M libel case ng kontrobersyal na mambabatas na si Batangas 1st District Representative Leandro Leviste ang kasalukuyang Presidential Communications Undersecretary na si Atty. Claire Castro kaugnay ng diumano’y mga libelous na mga naging pahayag nito na may kaugnayan sa kanyang solar business.
Kasama ng kanyang abogado na si Atty. Ferdinand Topacio, pormal na nagsampa ng kanyang reklamo si Leviste sa Balayan regional Trial Court na nasasakupan ng unang distrito ng Batangas na kanyang nasasakupan.
Ayon pa kay Leviste, wala siyang hangad na anuman laban kay Usec. Castro subalit kailangan umano niyang ipagtanggol ang kanyang sarili at gusto lamang niyang itama ang ayon sa kanya ay mali tulad ng kumalat na balita tungkol sa pagbebenta niya ng isang kumpanya na may prangkisa na ang totoo ay walang prangkisa ang kumpanya na kanyang ipinagbili.
Nais lamang umanong linisin ng mambabatas ang kanyang pangalan dahil may mga ginawang vlog umano si Castro kontra sa kanya.
” Gusto ko pong linawin sa inyong lahat na wala akong ibenenta na prangkisa, ” pahayag ni Leviste.
Nilinaw ni Leviste na ang kumpanya na kanyang ibenenta ay SP New Energy Corporation na ngayon ay subsidiary ng Meralco PowerGen. Corporation na may renewable energy service contract para sa 280-megawatt solar project sa Nueva Ecija
Ayon naman kay Atty Topacio, hindi nila gustong makulong si Castro subali’t ang pangalan at reputasyon na ng kanyang kliyente ang sinira diumano ni Castro at dahil dito ay kinakailangan umanong panagutan nito ang maling pahayag na kanyang ginawa.
Idinagdag pa ni Topacio na ito ay hindi tungkol lamang sa isyu ng freedom of expression kundi isang direktang pag-atake laban sa kanyang kliyente na si Leviste.
