
P90,000 ang inilagak na piyansa ng kampo ni dating senador Ramon “Bong” Revilla Jr. sa kasong graft tungkol sa diumano’y pagkakasangkot nito sa P92.8-M ghost flood control project sa Bulacan nguni’t mananatili siya sa New Quezon City Jail sa Payatas Quezon City batay sa order na inilabas ng Third Division ng Sandiganbayan habang nakabinbin pa rin ang kasong malversation of public funds sa anti-graft court.
Si Revilla ay nahaharap sa mga kasong graft at malversation of public funds through falsification of public documents sa Third at Fourth Division ng Sandiganbayan at dahil non-bailable ang kasong malversation kung kaya’t hindi pa rin siya makakalaya kaugnay sa kasong ito.
Bukod kay Revilla, anim na iba pang opisyales ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang nahaharap sa katulad na mga kaso na may kaugnayan sa P92.8-million flood control project sa Barangay Bunsuran sa Lalawigan ng Bulacan.
Matatandaan na naghain ng mga kaso ang Office of the Ombudsman ayon sa isinagawang pag-iimbestiga ukol dito sa tulong na rin ng Department of Justice kung saan ay nakitaan umano ng probable cause upang maisampa ang kaso na may kaugnayan sa diumano’y maanomalyang proyekto.
