
SA nagaganap na matinding rambulan sa pagitan ng mga pulitiko, mga hindi pulitiko na matataas na opisyales ng gobyerno, at ng mga laos na pulitiko na gustong magpauga para mapansin at magkaron muli ng tsansa para magkaroon ng posisyon, ang mga kawawang mamamayang pilipino ang nahihirapan at sumasalo ng lahat ng masasakit na latay na bunga ng kanilang mga ginagawa.
Halos buwan pa lamang noon matapos na maluklok sa kanilang posisyon sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at vice president Sara Duterte-Carpio ay nagsimula na ang bangungot ng mga pinoy na hanggang sa kasalukuyan ay pangunahing dahilan kung bakit patuloy ang pagbagsak ng kabuhayan ng mga mamamayan at gayundin ang mismong ekonomiya ng ating bansa.
Sirang-sira na ang mga pilipino sa international community at wala na ring tiwala ang mga foreign investor sa takot na baka mauwi lang sa nakawan ang anumang investment na pakakawalan nila dito sa ating bansa.
Para sa mga pulitiko, vloggers, media atbp na kontra sa administrasyong Marcos Jr. sobrang napakasama ng pamahalaang ito kung kaya’t ang kanilang mga pagbira ay wala na halos tigil upang iparamdam at isalpak sa pagmumukha ng mga taga-gobyerno kung gaano sila kasama at ang kanilang mga ginagawa.
Kabi-kabila ang mga rally bukod pa ang walang humpay na pagbanat nila sa mga aksyon ng pamahalaan na para sa kanilang pakiramdam at paningin ay wala sa hulog at sablay.
Hindi lang rally ang kanilang ginagawa kundi talagang karamihan ay sumisigaw na baguhin na ang gobyerno at pababain na ang pangulo at para maubos na ang anila ay mga buwayang kaalyado ng pangulo at ng administrasyon na sinasabing silang may mga malaking pananagutan ng paghihirap ngayon ng bansa.
Mataas na presyo ng mga bilihin, kabi-kabilang pangungurakot, hindi lamang barya kundi talagang bilyun-bilyon.
Na sa kanilang tingin ay hindi magkakaroon ng tama at maayos na paglilitis dahil para sa kanila, hindi ito pag-iimbestiga upang may mga mapanagot kundi imbestigasyon lamang upang pagtakpan ang tunay na may malaking kasalanan sa nakawan.
At dahil diyan, wala nang katahimikan.
Wala nang maayos na mga programang dapat ay nakatutok para paunlarin ang bansa at ang mga mamamayan dahil natatakpan na ito ng walang tigil na awayang pampulitika.
Bawat galaw ng mga taga-gobyerno man o hindi mga pulitiko ay nakatuon sa kung kay VP Sara ka ba o panig ni PBBM.
At kung ikaw ay nasa panig ni PBBM, natural na para sa kanila ay talagang ang walang kasinsama ay itong si bise presidente.
Ang magnanakaw para sa kanila at ang gumugulo sa katahimikan ng bansa ay si VP Duterte.
Sabi nga ng karamihan, kapag may nangyaring gulo o kurakutan sa mga nakaraan na taon hanggang sa kasalukuyan at maaring idugtong sa pangalan ng mga Duterte ay yan ang kanilang gagawin.
At hindi kailanman sila magpapatalo dahil para sa kanila ay nasa tama ang lahat ng ginagawa ng ating pangulo at ng kanyang administrasyon.
Ngayon, paano matatapos ang awayang pulitikal kung parehong ang iniisip nila ay sila ang tama at may malaking pagkakamali ay ang nasa kabila.
Hindi ba maaring pansamantala na kayong magsitigil at ang para naman sa mga mamamayan ang inyong unahin.
Tigilan nyo na ang pagpa-file ng mga impeachment laban sa pangulo at kay VP sara.
Sa 2028 na lang kayo magpangi-pangita.
Kakaumpisa pa lang ng 2026…matagal pa ang eleksyon…maawa naman kayo sa mga pinoy…ANG KAKAPAL ng mga mukha ninyo!!!!
Ibinoto natin pareho ang dalawang ‘yan…pasensya tayo kung ayaw ninyo kay PBBM at ayaw ninyo kay VP.
Kung may nakikita kayong di maganda sa nangyayari na nangyayari ngayon sa pamahalaan…kasalanan yan ng mga pilipino…mismo!
At kung talagang may mga ebidensiya kayo na totoo ang inyong mga bintang sa dalawang pinakamataas na pinuno ng bansa…gawin nyo ng madali ang nararapat upang patalsikin sila sa puwesto nila.
Pero kung ang gagawin lamang ninyo ay puro dakdakan at batuhan ng mga akusasyon na wala namang nangyayari eh tigilan nyo na yan…wasak na wasak na ang bansa dahil sa inyo!
Halos kitang-kita na kung sino ang mga talagang may kinalaman sa malalaking nakawan sa kaban ng bayan pero lahat ng mga pilipino ay nilulunok na lang kung ano ang mga nangyayari kahit halos hindi na nila ito masikmura…may konting lumalaban para sa katotohanan pero malinaw pa sa mineral water na hindi ito mapapatunayan hangga’t hindi naman kumpleto ang ebidensiya at may mga nais na pagtakpan na kung sinuman sa mga isinasagawang pag-iimbestiga…mas makakabuting hayaan na lamang na tapusin nina PBBM at VP sara ang kanilang termino para sa mga pilipino.
Kung may nagnakaw…kasalanan ng mga pinoy yan…tayo ang bumoboto eh…sa 2028 matuto na sana ang mga pilipino!
