

SA maraming pagkakataon, sa iba’t ibang isyu at usapin, gayundin sa paniniwala at paninindigan, ang inyo pong lingkod ay hayagan na kumokontra at tumutuligsa sa mga pautot nitong makabayan bloc at itong si Mamamayang Liberal o ML party-list chairperson Rep. Leila de Lima dahil para sa atin ay marami silang mga sablay na mga mga galaw at pananaw tungkol sa dapat na maging solusyon sa iba’t ibang mga suliranin sa loob ng ating bansa.
Ngunit sa isang pagkakataon, itong isyu tungkol sa ginawang pagsasampa ng ikalawang impeachment case sa ating pangulong Marcos Jr. ng kanilang grupo kasunod ng first impeachment case na unang naiakyat sa Kamara na kanilang tinanggap, eh bakit nga naman hanggang sa kasalukuyan ay nakatengga pa sa tanggapan ni House Secretary General Cheloy Garafil ang kanilang complaint na tinanggihan noong nakaraang linggo dahil wala sa bansa ang Sec Gen.ay may katwiran talaga sila na manggalaiti sa galit.
Bakit kanyo?
Ayon sa kanila, hindi naman kasi dahilan na wala lamang sa kanyang tanggapan at may ibang importanteng bagay na inasikaso ang House Sec. Gen. eh hindi na magpa-function ang kanyang tanggapan lalo na at may mga mahahalagang dokumento na kailangang tanggapin at bigyang pansin tulad ng kanilang isinampang impeachment complaint na tama naman at talagang naaayon sa batas.
Katunayan ay ganyan din ang naging karanasan ng mga pro-Duterte na nagsampa rin ng katulad na kaso sa nabanggit na tanggapan na tulad ng Makabayan bloc ay hindi rin nagustuhan ang ginawang pagtanggi ng tauhan ng tanggapan ng Sec. Gen. na humarap sa kanila noong araw na nagsasampa sila ng impeachment case laban sa pangulo.
Pero ngayong nagbalik na umano sa bansa si Garafil matapos na tumanggap ng kanyang award sa Taiwan ay inaasahang papasok na ito sa kanyang trabaho at dapat ay isa sa pinakamahalagang bigyan ng kaukulang pansin ay ang kanilang isinampang impeachment complaint laban sa pangulo ng bansa na pormal nang tanggapin ng kanilang opisina upang maiakyat sa tanggapan ng House Speaker at umusad ang kanilang reklamo ng naaayon sa procedure ng Mababang kapulungan ng Kongreso.
Hmmmmn…siguro ay wala na nga namang dahilan upang hindi tanggapin at aksyunan ang dalawang nakabinbin pa rin na mga complaint na hindi naman naiiba ang pinagdaanang proseso ng pagsusumite tulad ng unang impeachment complaint na isinampa sa Kamara sa buwang ito.
Patas na pagtingin at pag-aksyon ang nararapat na ibigay sa lahat ng pilipino upang maging maayos at transparent ang pamamahala ng mga lingkod-bayan sa ating pamahalaan.
At sa panahong ito na halos kakarampot na lamang tiwala ng ating mga kababayan sa mga opisyal ng pamahalaan, dapat ay magpamalas sila ng parehas at maayos na pagtrato sa lahat ng mga iniaakyat na reklamo sa kanilang mga pampublikong tanggapan.
Although may patutsada umano itong si Senate President Tito Sotto na isang malaking kahihiyan para sa ating bansa ang anumang mga pagsasampa ng kaso laban sa dalawang pinakamataas na lider ng bansa sa katauhan nina PBBM at VP Sara ay nakahanda naman umano ang Senado na kanyang pinamumunuan na talakayin ang naturang mga complaint sakali at maipasa na sa kanilang kapulungan.
Taas ng presyo ng mga bilihin, dami nang mga problema ang bansa sa napakahirap na pamumuhay, samantalang ang mga pulitiko at mga opisyales ng ating bansa ay ang political agenda nila ang inuuna.
ANG KAKAPAL NAMAN TALAGA NG MGA PAGMUMUKHA NINYO!
KUNIN NA SANA KAYO NI LORD!
Tsk tsk tsk kawawa na si HUWANDELAKRUS!!!!
oooo00000000ooooo
Mainit na mainit din ang isyu tungkol sa naging pahayag ni Senator Erwin Tulfo at ng ilan pang matataas na opisyal ng gobyerno tungkol sa kanilang ginawang pambabatikos ukol sa naging pahayag ng Chinese Embassy na may kaugnayan sa gitgitan ng Pinas at China sa West Philippine Sea na ang pinakahuli tungkol diyan ay ang isang internet post ng isang kawal natin na sa tingin ng Tsina ay pambabastos sa kanilang presidente.
Sabagay, noon pa man ay katal na talaga tungkol sa isyung yan ang ilang mga pulitiko lalo na ang mga nasa kabilang panig o yung mga sumusubo ang galit sa mga Duterte.
Alam kasi nila na kapag tungkol sa isyung yan ang pinag-uusapan ay kanilang ginagawang pulutan noon si dating Pangulong Duterte at maging si VP Inday Sara na hayagan naman ang tindig na kailangan tayong maging neutral tungkol sa isyu na yan at hanggat maari ay huwag tayong makipag-away sa China dahil sa polisiya ni Duterte na friends to all enemy to none kung ang pag-uusapan ay ang ugnayang panlabas ng Pilipinas.
Tsk tsk pero sabi nga ng mga nasa gobyerno ngayon…tapos na ang Duterte era…Marcos jr. na ngayon!
Pero hirit naman ng Duterte fanatics, napatunayan kasi nila na epektibo yan noong panahon ng pandemya dahil halos lahat ng malalaking bansa kabilang na China, US at Russia ay talagang tumulong noong tayo ay nangangailangan ng bakuna at sino ba ang may pinakamalaking naitulong sa Pinas noong panahon ng pandemya kundi ang Tsina.
Pero siyempre, iba naman ang isyu tungkol sa pambu-bully sa karagatan na malapit sa ating hangganan at iba naman ang tungkol sa pakikipagkaibigan natin sa kanila.
Pero ang malinaw pa sa mineral water na tanong natin sa ating mga opisyal ng pamahalaan ay ito…noon bang panahon ni Duterte ay inaaway ba tayo ng China?
Noon bang nakaraang administrasyon ay ginagawa ba ng mga opisyal ng ating gobyerno ang lagpas ulo na pambabastos sa lider ng ibang bansa partikular sa pinakamataas na pinuno ng China?
Saan ba nanggaling yun statement ng Chinese Embassy partikular itong si Chinese Embassy deputy Spokesperson Guo Wei na hindi umano lisensya ang freedom of speech para siraan ang lider ng ibang bansa?
Sa isang demokrasyang bansa na gaya ng Pinas na napakahalaga ang tungkol sa isyu ng freedom of speech…sa tingin natin ay isang malaking kalokohan na lamang ito ngayon.
Ang freedom of speech ay waring nagiging makatwiran na lamang kapag pumapabor sa isang panig at kapag ito ay hindi na sa kanilang interes umaayon ay bigla na lamang itong nagiging labag sa batas at mali.
Tsk tsk hindi na natin maintindihan…kapag kontra sa kanila eh lumalabis na sa freedom of speech pero pag pabor kahit binabaluktot na ang batas ay okey lang.
Hindi tayo kumakampi sa China dahil tayo ay mga pinoy.
Pero ito bang mga matatapang nating mga pulitiko at lider na panay ang amba at pagpalag sa China eh ano kaya ang kanilang gagawin kapag tayo ay dinigma at nilusob ng China?
Tsk tsk soberanya at kalayaan?…kalayaan sa pamamahayag?
Saan ba nagsimula ang iringan na yan ng Chinese Embassy at ng ilang mga pulitiko at matataas na opisyal ng ating gobyerno?
Ang Chinese Embassy ay gigil kasi noong lumabas ang isang post nitong si Philippine Coast Guard spokesperson Commodore Jay Tarriela na nagpapakita ng AI-generated video ng Pangulo ng China na si Xi Jinping.
Tsk tsk may karapatan naman si Tarriela na gawin yun dahil para sa kanyang pananaw ay di maganda ang ginagawa ng China sa laot at bilang isang kawal ay isyu sa kanya kung sa tingin niya ay naagrabyado tayo sa laban.
Nagkataon lang na siya ay isang sundalo kaya naging isyu yan para sa hanay ng intsik…siguro kung ordinaryong pinoy lang ang nag-post hindi yan magiging malaking isyu.
At yan ang naging problema diyan.
Para kasi sa embahada ng China ay malinaw na kawalan ng respeto at pambabastos yan sa kanilang lider.
At si Sen. Tulfo, ang pinupunto naman niya sa isyung ito na pinanggagalingan ng kanyang galit ay kung respeto ng mga pilipino ang hinihingi ng embahada ng China, ang nararapat ay igalang muna nila umano ang Konstitusyon ng ating bansa at wag silang umasta na pag-aari nila ang Pilipinas.
Tama rin naman!
Sus…iisa lang naman ang totoong ugat ng lahat ng ‘yan…noon ay kaibigan ng gobyerno ang China…at ngayon ay hindi na…magkaibang relasyon, magkaibang pananaw…magkaibang paninindigan kaya’t natural…magkaiba ang resulta.
Kung alin sa dalawang administrasyon ang nagkaroon ng mabuting resulta tungkol sa isyu ay mga pilipino na lamang siguro ang tamang humusga.
Para sa inyong lingkod, mali na ma-bully ang Pinas sa West Philippine Sea…maling-mali, pero dapat ay bigyan ng mas malinaw na impormasyon ang mga mamamayan tungkol diyan. Dapat ay linawin kung alin ba talaga ang atin at alin ang pag-aari ng lahat ng bansa na karatig sa panig ng laot ng karagatan na anila ay inaagaw ng China?…at alin ang maling portion na pag-aari natin na pinaghihimasukan ng China.
