



MAGTUTUOS sa finale ng kauna-unahan at makasaysayang WTA 125 Philippine Women’s Open sa Rizal Memorial Tennis Center sina Olympic silver medalist at crowd favorite Donna Vekic ng Croatia at ang pambato ng Colombia na si Camila Osorio na hahataw para sa kanyang ikaapat na WTA title.
Naikasa ang paghaharap sa WTA 125 PWO finals nina Vekic at Osorio matapos na kapwa talunin ng mga ito sa semis sina Tatiana Prozorova at Solana Sierra ayon sa pagkakasunod.
Idinispatsa ni Vekic sa unang semis match si Prozorova matapos na ma-sweep ang dalawang set, 6-2, 6-4 habang naging magaan naman para sa 24-anyos na si Osorio na pabagsakin si Sierra sa kanyang 6-0, 6-1 panalo na tumagal lamang ng 46 minuto na laro.
Si Osorio na magtatangka na makuha ang kanyang ikaapat na WTA title matapos na magkampeon ng tatlong beses sa kanyang sariling bansa sa Copa Colsanitas noong taong 2021, 2024 at 2025 ay mas bahagyang pinapaburan na magwagi sa unang titulo para sa WTA 125 PWO bagama’t inaasahan na nasa panig ng fan favorite na si Vekic ang malaking suporta ng mga pinoy tennis fans dahil bukod sa pagiging magiliw nito sa mga pinoy ay tiyak na mas papaburan nila ito dahil si Osorio ang tumalo at nagpatalsik kay Alex sa quarterfinals ng torneo.
Bago ang naging pakikipagtuos niya kay Eala ay nakamit ni Osorio ang panalo sa dalawang unang rounds kung saan isa-isa niyang pinatalsik sina Sakura Hosogi, 6-4,6-3 at Mai Hontama, 6-4,4-6, 6-2 samantalang unang pinabagsak ng fourth seeded na si Vekic si Kyoka Okamura, 6-2, 6-2 bago isinunod ang Russian na si Mariia Tkacheva, 6-1, 6-2, Zhu Lin ng China, 6-4, 6-2, noong Huwebes at ang pinakahuli ay si Prozorova sa semis.
