


TINANGHAL na reyna ng Melbourne ang 27-anyos na si Elena Rybakina ng Kazakhstan matapos na ma-upset ang World No. 1 na si Aryna Sabalenka, 6-4, 4-6, 6-4 at sinungkit ang kanyang kauna-unahang Australian Women’s Open title sa Rod Laver Arena at ikalawang Grand Slam title matapos niyang mapagwagian ang Wimbledon noong 2022.
“It’s a really happy slam and I always enjoy coming here and playing in front of you guys,” maluha-luhang wika ni Rybakina matapos ang isang makapigil hiningang panalo.. “It’s hard to find words now, but of course I want to congratulate Aryna (for her) amazing results for a couple of years. I know it’s tough, but I just hope that we’re going to play many more finals together.”
SI Rybakina na unang nakatuntong sa finals ng Australian Open noong taong 2023 ay nagawang malusutan ang higit na paborito na top seed na si Sabalenka sa madramang third set ng kanilang championship match.
Matapos ang tig-isang panalo sa set 1 at 2, umiskor ng 3-0 si Sabalenka sa third set subalit bumalikwas si Rybakina at nakapagtala ng five straight games upang kunin ang kalamangan sa kampanteng 5-3 bago gumanti ng isang puntos si Sabalenka at kasunod ang pangitil na ace ni Rybakina na nagbigay sa kanya ng korona.
