

NAGPAMALAS ng tatag at tibay ang Colombian tennis warrior na si Camila Osorio sa third set ng kanilang hatawan ng crowd favorite na si Donna Vekic ng Croatia at inagaw ang panalo patungo sa kampeonato sa harap ng nagbubunying pinoy fans, 2-6, 6-3, 7-5 ngayong Sabado ng gabi sa Rizal Memorial Tennis Center, Manila, Philippines.
Bagama’t nagparamdam ng supremidad ang 4th seeded na si Vekic sa unang set matapos ang 6-2 na panalo nito sa yugto, bumalik sa second set ang Colombian tennis champ at bumawi upang makuha ang set, 6-3.
Ang third set ay naging napakahirap na laro para sa magkabilang panig, at ang tagaktak ng kanilang mga pawis ay pumapatak sa kanilang nag-iinit na raketa at sumasabay sa kanilang pagpapalitan ng palo at iskor.
At tulad ng kahit anong sagupaan, si Osorio ang namayani sa dakong huli matapos na basagin sa pamamagitan ng dalawang straight games ang pagtatabla nila ni Vekic sa 5-all patungo sa pagkamit ng kauna-unahang titulo ng Philippine Open.
