
Kinumpirma ni Palace Press Officer Usec. Claire Castro na mariin umanong ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang pagbuo ng crisis management committee na siyang magmomonitor at tututok sa pangunahing mga pangangailangan ng mga apektadong mga kababayan dahil sa lumulubhang tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.
Ayon kay Castro, hindi pa man lumulutang ang mga mungkahi at kahilingan ukol sa pagbubuo ng crisis committee ay nauna na umanong nag-utos ang pangulo upang lumikha nito.
Sinabi pa niya na isinasapinal na lamang ang mga dokumento kaya hindi muna umano makapagbibigay ng detalye habang hindi pa ito na finalized kahit pa may hawak na rin siyang draft at posible umanong magbigay ng anunsyo ang palasyo sa mga susunod na araw para sa detalye tungkol dito at gayundin sa kung sino ang mahihirang upang pamunuan ito.
Ito ay bunsod pa rin ng patuloy na mainit na ‘tirahan’ sa pagitan ng Estados Unidos at Iran kung saan ang pangunahing mga tinatarget upang mapasabog ng US ay ang mga oil facilities at power plants ng Iran at mas titindi pa umano ito kung hindi ihihinto ng Iran ang counter-strikes na ginagawa nito sa energy sites mga kaalyadong bansa ng Amerika, hindi lamang takot at tensyon ang dulot nito sa mga mamamayan sa buong mundo kung kaya’t apektado na rin ang ilang mga bansa partikular sa Gitnang Silangan at mga karatig na bansa.
Bagama’t kabi-kabilang batikos ang inaabot ng pamahalaan dahil sa umano’y tila pagbalewala ng gobyerno sa isyu kung saan ay tila pagmamatigas pa na wala umanong nangyayaring krisis sa langis at pagkain sa Pilipinas sa kabila ng mga kaganapan sa Middle East, nilinaw ni Castro na walang nangyayaring krisis at ang nagaganap ay price disruption lamang umano dulot ng patuloy na tensyon sa pagitan ng US at Iran.
Ayon pa kay Castro tiniyak umano ng ating pangulo na stable ang presyo at wala umanong mang-aabuso sa presyo ng mga bilihin at gayundin, patuloy din umano ang pakikipag-ugnayan ng pamahalaan sa mga manufacturers upang mapanatili ang mababang presyo at masiguro na may makakain ang lahat ng mga mamamayanng pilipino.
Ginagawa rin umano ng gobyerno ang lahat ng paraan upang walang maganap na kakapusan sa supply ng pagkain at mga produktong petrolyo at katunayan ay laging handa ang ilang mga ahensya ng pamahalaan kabilang na ang DSWD, Department of Agriculture (DA) at Department of Energy (DOE) kung saan ay binanggit nito na mayroon din umanong nine-negotiate ang DOE upang makapag-angkat ng 600, 000 bariles ng langis at 440,000 na bariles ng fuel.
Sa kabila nito, kabi-kabila naman ang mga reklamo at pagkainip ng mga mamamayan na hindi nagugustuhan ang napakabagal umanong pagtugon ng pamahalaan sa nangyayaring pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo at gayundin ng ilang mga pangunahing bilihin sa mga pamilihan na apektado ng pagtaas ng halaga ng gasolina partikular ang pagsirit ng ng presyo at kakulangan sa mga isda sa palengke dahil sa mga naapektuhang mga mangingisda.
