
DIBDIBAN talaga ang ginagawang panunungkulan ni Batangas Governor Vilma Santos Recto sa nasabing Lalawigan, kaya naman sa patuloy pang pagbibigay ng kanyang panahon bilang public servant ay itinakda muna niyang ipagpaliban ang paggawa ng pelikula.
Sa sobrang kaabalahan ni Gov. Vi ay medyo namayat siya ngayon. Pero balewala sa kanya ang pagod, dahil may kakaibang lalim ang saya na kanyang nararamdamaman kapag alam niyang mayroon siyang mga naisakatuparan para sa mamamayan na kanyang pinaglilingkuran.
Hindi naman kumokontra ang kanyang mga Vilmanians kung hindi muna makagawa ng pelikula ang Star for All Seasons, dahil malaking pasasalamat at kasayahan na para sa kanila, na nakagawa ng magkasunod na dalawang pelikula ang premyadong aktres nang siya ay magpahinga noon sa pulitika pagkatapos ng termino nito bilang Congresswoman.
Ang nabanggit na mga pelikula ay ang “When I Met You In Tokyo” at ang “Uninvited” na parehong pinalad na makasali sa magkasunod na taon ng pagdaraos ng Metro Manila Film Festival.
Kaya naman todo suporta at dumog na dumating ang mga Vilmanians sa ginanap special screening ng 2013 acclaimed film, ang “Ekstra” kamakailan sa Metropolitan Theater kaugnay sa pagdiriwang ng Women’s Month. Doon ay muli nilang nakasama ang mahal nilang idolo.
Pinili man munang desisyon ni Governor Vi na unahin ang kanyang mga trabaho sa Kapitolyo ng Batangas kesa gumawa ng pelikula, ay buo ang pag-asa at paniniwala ng mga Vilmanians na sa tamang panahon ay muling mahaharap ng premyadong aktres ang paggawa ng pelikula, dahil mahal nito ang movie industry at ang kanyang propesyon bilang artista.
DANIEL PADILLA, HINUHUBOG MAGING ACTION STAR

PATULOY pang napapatunayan sa movie career ni Daniel Padilla, na ang Kapamilya Network ay marunong mangalaga bilang pagpapahalaga sa mga pinasisikat nilang mga artista. Sa ngayon ay piling-pili muna ang mga proyektong ibinibigay ng ABS-CBN sa guwapong aktor.
Hindi inilaglag ng kanyang home studio si Daniel pagkatapos ng naging hiwalayan nila ng dating ka-loveteam at nakarelasyon ng labing isang taon, na si Kathryn Bernardo. Hindi porke’t sikat ang anak ni Karla Estrada ay panghahawakan iyon ng Dos para isabak ang aktor sa paggawa ng mga pelikula, habang ipinararamdam ng masa na galit sila sa kay DJ pagkatapos maghiwalay ang Kathniel.
Sa halip, isinalang muna si Daniel sa paggawa ng teleserye. Matagumpay ang naging papel ng aktor sa “Incognito” dahil sa simula hanggang wakas ng maaksiyong serye ay napuri ang kanyang kahusayan. Muling napaamo ang mga fans na dati nang simusuporta sa aktor.
Habang hindi pa nawawala ang mga pumupuri sa naging pagganap ni Daniel sa nagtapos ng maaksiyong serye ay ikinakasa na ang muling pagbibida ni DJ sa isang bagong maaksiyong serye.
Napansin na bagay din si Daniel sa ganung pagganap, kaya sa bagong pagbibidahan niyang teleserye ay magsisilbi iyon bilang patuloy na paghubog sa kanya para luminya bilang action star?
Hindi naman kasi nakapagtataka kung hubugin man ngayon si Daniel para maging action star. Lalayo pa ba naman siya ng pagmamanahan, samantalang ang Uncle niyang si Senator Robin Padilla ay dating Action Superstar ng showbiz?

