
UMUUSOK sa galit na napatayo sa kanyang kinauupuan si Senator Loren Legarda sa gitna ng pagdinig ng Crisis Committee sa Senado tungkol sa pagtalakay sa kasalukuyang kalagayan ng bansa kaugnay sa gitna ng krisis na dulot ng patuloy na nagaganap na kaguluhan sa Gitnang Silangan hindi lamang dahil sa pagliban ng mismong Secretary ng Department of Energy (DOE) na Si Secretary Sharon Garin sa naturang pagdinig kundi dahil ayaw niyang magmukhang kontrabida sa mga tao ang Senado at lumabas na parang sila ang dahilan kung bakit delay ang pagtalima ng pamahalaan sa nagaganap na krisis ngayon sa bansa.
Ayon kay Legarda, kailangan umanong malaman nila kung kailan naipadala sa tanggapan ng Senado o kung mayron mang liham na natanggap ang liderato ng Senado kung saan nakasaad na ang approval na lamang ng Kongreso ang kailangan para maaprubahan ang paggamit ng pondo ng PNOC na lubhang napakahalaga na mapag-ukulan ng agarang atensyon dahil ang kapakanan ng mga mamamayan ang nakasalalay.
Sinabi ng Senadora na hindi magandang pakinggan ang sinabi ng kinatawan ng DOE na naibigay na sa Senado ang naturang liham at kaya hindi ito naaksyunan agad ay dahil nag-break ang Mataas na Kapulungan dahil hindi umano maganda na parang lumalabas na sila pa ang sinisisi kung bakit nagiging mabagal ang pagtalima ng pamahalaan sa kasalukuyang problema.
” Hindi ang itsura… naka-pending sa Senado…tapos sasabihin n’yo…kasi po nag-break! Excuse me…hindi po nagbe break ang Senado na hindi inaaksyunan ang hinihiling ng Executive, ” wika ni Legarda.
Galit na hinanap ni Legarda ang kalihim ng DOE at sinabi niya na kapag ang pagdinig ay tungkol sa budget ng ahensya ay present ito kahit pa abutin ng gabi pero pag nasa krisis ang bansa ay hindi mahagilap kung nasaan ito at kung saan namumulitika.
Ayon kay Senator Sherwin Gatchalian na tumatayong pinuno ng Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT) Committee, isang crisis committee na binuo para sa ganitong mga pagkakataon ay nagsabi na kahit naman umano naka-break ang Senado ay tuluy-tuloy naman ang kanilang hearing at kung kinakailangan umanong mag-convene ay nakahanda naman umano sila para magsagawa ng special session anumang oras.
Hinamon din ni Legarda ang pamahalaan na maging tapat sa mga mamamayan at huwag sabihing okay lang ang kasalukuyang sitwasyon at aminin na ang bansa ay kasalukuyang nasa gitna ng isang krisis.
