Panahon ng Duterte administration nang unang maipalabas ang pelikulang “Ang Bangkay” sa isang special screening sa Red Carpet cinema sa Shaw Boulevard sa Mandaluyong City. Noon pa man ay pinuri na ito ng mga kritiko sa pagiging matapang at napapanahon. Taong 2023 naman nang magkaroon ito ng premiere sa Marche du Film ng Cannes Filmfest kasama ang isa pang obra ni Vince na “Ako si Ninoy.”
Tulad ng mga pelikula nina Brocka at De Leon, maraming simbolismo ang nakapaloob sa tema ng kanyang pelikula na kadalasan ay pumapaksa sa sistema ng gobyerno at lipunan. “Everything is political,” pakli niya.
Naniniwala rin ang founder ng Philstagers na bilang artist ay dapat na gamitin nila ang kanilang sining bilang plataporma ng pagbabago. Sa madaling salita, pinaninindigan niya na sinumang dalubsining ay kasangkapan ng pagbabago. “There is a necessity for the Art to transcend from being entertaining to becoming transformative,”paliwanag niya.
“Dapat, me as an artist, as a writer, and as a theater performer, I’m already jaded entertaining people. I have transcended from being an entertainer to becoming an educator. So I truly believe that we can utilize our Art as a medium not only to educate and to inspire people but more important than that, we should be geared to transform our society.And I guess that is the core purpose of us artists. Ang tunay na artista ng bayan, hindi po kimi. Lagi pong nakikisangkot. Laging nagmamatyag. At kung kinakailangan, tatayo at lalaban,” dugtong niya.
Kontrobersyal naman ang pelikulang “Ang Bangkay” dahil puno ito ng karahasan,sex at nudity. Pumapaksa rin ito sa incest, moral depravity at murder. Walang takot ding naghubad ang bida ng pelikula nitong si Vince Tanada na may full frontal. Hindi rin nagpakabog sina Juan Calma in his birthday suit samantalang si Johnrey Rivas ay may masturbation scene. May breast exposure rin dito sina Mercedes Cabral at Lily Montelibano.
Nagpaka-daring din ang theater actress na si Vean Olmedo. Ayon naman kay Vince, hindi na big deal ang paghuhubad sa kanya dahil nagawa na niya ito sa teatro. Paniniwala rin niyang ang sining para maging makatotohanan ay dapat na walang limitasyon. “Kapag ka kasi ibinibigay mo na lahat para sa Sining, parang wala na dapat limitasyon. Buong kaluluwa, buong puso, at katawan ang inihandog,”sey niya. “Everything! For the love of the Arts! We are doing this because we want to serve the Art,”pahabol niya.
Hirit pa niya, iprinudyus daw niya ang “Ang Bangkay” na halaw sa kanyang Palanca-award winning play dahil tulad ng iba niyang obra ay gusto niyang ma-immortalize ito sa malaking telon. “Pero gusto ko lang sabihin na ang Ang Bangkay ay isang passion project na hindi namin akalaing magkakaroon ng commercial release.Dahil ginawa ko lang ito after ng Katips [2021] at alam n’yo naman, medyo kumita yung Katips kaya sinabi ko sa sarili ko, yung mga dula na magaganda ko, ii-immortalize ko sa pamamagitan ng sine, o pelikula,” pagtatapos niya.
Ang pelikulang “Ang Bangkay” ay tumatalakay sa kuwento ni Señor Segismundo Corintho, isang embalmasador at ng mga lihim na bumabalot sa taong nakapaligid sa kanya. Kalahok sa full-length film category ng ongoing Sinag Maynila filmfest, ang “Ang Bangkay” ay mapapanood sa Gateway Cinemas (Cubao, QC), Eastwood Cinemas (Libis, QC), Uptown Cinemas (BGC, Taguig City), Venice Cineplex (McKinley Hill, Taguig City) at Lucky Chinatown Cinemas (Binondo, Manila) hanggang Marso 29, 2026.