
PINAUSOK ni pinay tennis superstar Alexandra “Alex” Eala ang pulang lupa sa Upper Austria at naitala ang kanyang unang panalo sa loob lamang ng isang oras at 42 minuto sa WTA Linz Open makaraang likidahin ang pambato ng Austria na si World No. 87 Julia Grabher, 6-4, 6-3 upang makausad sa susunod na round ng torneo.
Mahigpit na nakipagpaluan si Grabher sa unang set kung saan ay hindi siya nagpaiwan kay Eala hanggang sa 4-all at nakipagtagisan ng galing sa pinay subalit bumigay din at yumukod sa pagtatapos ng unang yugto matapos na maiukit ng huli ang dalawang magkasunod na puntos.
Naging magaan na para kay Eala ang sumunod na set kung saan ay pinuksa na ni Eala sa kanyang matutulis na atake ang Austrian at bahagyang nakaalagwa sa 4-1 at pumantay sa tig-dalawang puntos para sa pagtatapos ng set.
Nakatakdang makipagtuos si Eala sa World No. 23 at 4th seed na si Jelena Ostapenko ng Latvia para sa round of 16 ng torneo.
