

SA dami ng nagsusulputang balita at naglalakihang isyu kabilang na ang mainit na digmaan sa Gitnang Silangan, ang patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, ang impeachment case ni VP Sara Duterte, ang ilang isyu ng kontrobersyal na mga patayan na saglit lang napag-uusapan sa social media at ang mga pagsasampa ng kaso sa ilang matataas na opisyal ng pamahalaan, hindi maikakaila na sa tuwing may isyung tulad ng oral arguments ng Supreme Court tungkol sa 2024, 2025 at 2026 General Appropriations Act ay nabubuhay ang isyu tungkol sa maanomalyang flood control projects na itinuturing na pinakamalaking korapsyon umano sa kasaysayan ng bansa.
Kapag may isyu tungkol sa kakapusan ng serbisyong medikal sa mga hospital at mga pagamutan, sobrang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, sirang mga kalsada, mga pagsasampa ng kaso partikular sa mga hindi kaalyado ng kasalukuyang administrasyon at iba pang isyung pambansa ay walang ibang unang naaaalala kundi ang isyu tungkol sa mga ghost projects, male-maletang sinasabing bahagi ng nangyaring kurakutan, at ang mga banat sa social media ng mga vlogger na ayaw lubayan ang mga anila’y mandarambong na kumulimbat sa ating kabang bayan.
At kasunod ng mga alinlangan ng taumbayan sa takbo ng isinasagawang mga imbestigasyon at pagpapakita ng para sa kanila’y mapagkunwaring mga pagtugis sa dapat na managot sa nangyaring malakihang nakawan sa pondo ng bayan, ayon sa mga netizen, ” ang mga pumapapel na sila ay concern sa pondo ng bayan na winaldas umano ng tanggapang ng bise presidente, alin ngayon ang mas kinakailangan ninyong tutukan? Ang 125 million ni Sara o ang bilyun-bilyong tinatalakay ngayon sa Korte Suprema? Bakit hindi man lamang ninyo naisipang kantiin ang napakalaking isyu na yan na nakatambad sa inyong harapan at ang inyong gustong kalkalin ay yung mga isyu na kailangan pang hanapan ng mga ebidensiya? ” Si maryGrace Piattos o ang mga buwayang nagtatabaan na pilit nagtatago sa kanilang mga mamamahaling kurbata? “
Ang isyung tulad ng flood control projects scandal na isang mala-pelikulang sistema ng nakanawan ayon sa mga lumalabas na mga balita ay hindi pangkaraniwan kung kaya’t ito ay isang isyu na walang kamatayan kahit pa sumabog ang balita na halimbawa ay may putok si Pres. Donald Trump.
Kahit kasi isang simpleng balita lamang na may magnanakaw na nahuli sa CCTV ay mauungkat at madadamay ang tungkol sa mas malaking nakanawan na nangyari sa ating kabang bayan na ang mga tunay na may pananagutan umano ay patuloy na nakakalaya at tumatawa.
Ngayong lantad ang isinasagawang oral arguments sa SC ng mga inirereklamong GAA ng tatlong magkakasunod na taon, paano matatakpan ang isyu ng flood control projects scandal eh karugtong din nito ang isyung yan dahil sa mga panahong yan din umano lumobo ang mga pondo ng ahensya ng gobyerno na gaya ng DPWH.
