
INALMAHAN ng netizens at umulan ng pangungutya sa social media ang naging patutsada ni House Senior Deputy Minority Leader at ML party-list Rep. Leila de Lima sa sinabi nito na akala umano nila ay “Sara’s Court” ang Supreme Court na pwede umanong laging takbuhan ng bise presidente upang pagtakpan ang kaduwagan at pagtakas sa pananagutan.
Ang naturang pahayag ay kasunod ng naging aksyon ng pangalawang pangulo sa kanyang pag-file ng petisyon sa Kataas-taasang Hukuman upang pigilan ang isinasagawang impeachment proceedings laban sa kanya sa Kamara.
Sa 58 pahinang petisyon for certiorari and prohibition, iginiit ng pangalawang pangulo na ang naturang pagdinig sa isinusulong na impeachment laban sa kanya ay labag sa konstitusyon kaya’t nararapat lamang na maideklarang void ab initio.
Umani naman ng katakut-takot na pambabatikos at pang-iinsulto at sunud sunod ang naging komento ng mga netizen tungkol naging pahayag ni de lima at mas marami din ang tumatawa kaysa nag-like sa kanyang naging statement.
Kung anu-anong hindi magagandang patutsada at komento ang naging reaksyon ng netizens at ang ilan sa mga ito ay binalikan ang mga nakalipas na isyu tungkol sa dating senadora at DOJ Secretary na may kaugnayan sa kanyang nakalipas.
Matatandaan na magkakasunod na impeachment complaints ang isinampa laban sa bise presidente nitong buwan ng Pebrero taong kasalukuyan kaugnay ng umano’y iba’t ibang anomalya na kinasangkutan nito na ayon sa mga nagsampa ng reklamo ay may malinaw na batayan upang siya ay mapatalsik sa kanyang puwesto bilang ikalawang pinakamataas na pinuno ng ating bansa.
Isa si Rep. de Lima sa maraming mambabatas na nagsusulong upang mapanagot umano sa kanyang mga naging pagkakasala sa bayan ang pangalawang pangulo at naniniwala sila na sa pamamagitan ng impeachment ay mapapatunayan kung ano ang katotohanan sa likod ng mga iba’t ibang bintang laban sa kanya.
Naniniwala naman ang kampo ni VP Sara na ang naturang pagdinig ay bahagi lamang ng pamumulitika ng kanyang mga katunggali sa pulitika na ang tanging layunin ay mapatalsik siya sa puwesto at mawalan ng karapatan upang makatakbo sa 2028 presidential elections kung saan ay una na siyang nag-anunsyo na tatakbo bilang kandidatong pangulo sa naturang halalan.
May hirit pa ang netizens na hindi lang naman umano si VP Sara ang tumatakbo sa SC para humingi ng saklolo kundi maging ang mambabatas ay madalas ding nagsasampa ng reklamo at petisyon dito.
