

Noong makasama ni JM Ibarra si Fyang Smith sa Bahay ni Kuya, aminado ang binata na dumaan sila sa awkward stage. Magkaiba kasi ang ugali nila dahil si Fyang ang tipong outspoken samantalang siya ay reserved.
Gayunpaman, marami raw siyang natutunan kay Fyang that brought out the best in him. Ilang daw sa qualities na ipinagkakapuri niya kay Fyang ay ang pagiging pasensyosa at masayahing tao. Bet din daw niya ang pagiging family-oriented nito.
Thankful din daw siya dahil ang love team partner ang bumabalanse sa kanyang pagkatao. Hirit pa niya, kung makikilala at makakasama raw ng ibang tao ang dating PBB housemate ay doon mapagtatanto ng mga ito kung gaano kabuting tao si Fyang. Sa panayam ni Ogie Diaz , naikuwento rin ni JM kung ilang beses na umiyak sa kanya si Fyang. Kung titingnan daw kasi ay napaka-strong at feisty ng image ng love team partner, pero in real life raw ay sobrang fragile rin ito at sensitive.
Tulad ninuman, naaapektuhan din daw ito minsan ng bashings at mga pinagdadaanan sa buhay. Sa naturang panayam, inamin niya na nililigawan niya si Fyang pero hanggang doon lang daw muna ang kanyang maibabahagi. Nilinaw din niya na walang katotohanan ang lumutang na tsikang nagli-live in na sila. Marahil daw ay ginawan sila ng isyu dahil madalas ay nakikita silang magkasama sa mga ganap tulad ng shootings, mall shows at out-of town engagements.
Hirit pa niya, nasanay na rin daw siya sa alagang Fyang. Kung noong nasa Bahay ni Kuya raw ay naiinis siya kapag ini-invade ni Fyang ang kanyang privacy, ngayon daw ay iba na ang scenario. Fast forward after two years, hinahanap-hanap na raw niya ang pangungulit ng ka-love team. Kung inaasar daw siya ni Fyang ay nakikipagsabayan na rin daw siya rito. Kumbaga, pag wala raw si Fyang ay nami-miss niya ang love language nito.
Si JM ay gumaganap bilang best friend ni Fyang na may lihim na pagtatangi sa dalaga sa pelikulang “Almost Us” na palabas na sa mga sinehan simula sa Mayo 6. Mula sa produksyon ng Regal Entertainment at Project 8 Projects at sa direksyon ni Dan Villegas, kasama rin sa first major project ng JMFyang ang MMFF breakout star na si Dustin Yu.


