Nakatakdang isumite ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang resulta ng isinagawang background check sa mga kandidato para sa Commission on Elections (Comelec) bago ganapin ang midterm elections sa Mayo 2025.
Ang layunin ng background check ay masigurong walang kandidato na makakalusot tulad ni Alice Guo, na nahalal bilang alkalde ng Bamban, Tarlac noong Mayo 2022. Si Guo ay nasangkot umano sa pamemeke ng mga dokumento at natuklasan ang koneksyon sa ilegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa.
Ayon kay AFP Chief Gen. Romeo Brawner Jr., ang hakbang na ito ay alinsunod sa kahilingan ng Comelec upang matiyak ang malinis at maayos na eleksyon, gayundin ang proteksyon ng balota mula sa impluwensya ng mga dayuhan.
Ipinaliwanag ni Brawner na ang kanilang intelligence operations ang ginagamit upang magsagawa ng masusing background check sa mga kandidato. Sa oras na makitaan ng red flag ang sinuman, agad itong ipapaalam sa Comelec para sa nararapat na aksyon.
Samantala, sinabi ni AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla na target nilang tapusin ang background checking bago ang eleksyon. “It will depend kung gaano ang extent ng ating intelligence gathering,” ani Padilla.
Dagdag pa rito, ang AFP ay nakikipag-ugnayan din sa Philippine National Police (PNP) para tiyaking masusing masusuri ang bawat kandidato.
Una nang binigyang-diin ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na layunin nilang maiwasan ang foreign funding na maaaring magamit ng mga kandidato para sa vote buying.