

GANAP nang nakalag ang anumang legal na relasyon ng actress/comedienne na si AiAi De Las Alas sa kanyang dating asawa na si Gerald Sibayan.
Ito ay matapos na matanggap ng aktres nitong Marso 9, 2026 ang kopya ng papeles ng court decision ng Superior Court of California, County of San Joaquin tungkol sa kanyang idinulog noong buwan ng Marso ng nakalipas na taon.
Sa isang Instagram post ng aktres ngayong Martes ay masaya niyang inihayag ang tungkol dito kung saan ay sinabi niyang isa itong masaya at malungkot na balita para sa kanya.
” Opisyal na akong single. Isang bagong simula, isang mas mabuting ako ang hinaharap, ” wika niya.
“To God all the glory and honor. Masaya ako kasi single na ako. Malungkot ako kasi bumitaw ako sa pangako sa harap ng Panginoon,” saad ng kanyang post. “Wala na kasi akong kakapitan kasi bumitaw na ‘yung isa. Sorry po Lord bumitaw ako sa sinumpaan ko.”
Sina AiAi at Gerald ay ikinasal noong taong 2017 at muling nakasal noong 2022 bago nagdesisyon na maghiwalay ng taong 2024.
Ang aktres ay permanent resident sa United States kung kaya’t mayroon siyang legal na mga karapatan para sa usaping divorce.
Matatandaan na nagkaroon ng masayang interview at pakikipagkuwentuhan ang aktres sa programa ni Boy Abunda na Fast Talk with Boy Abunda noong Pebrero.
