Kinikilig si Ai Ai delas Alas sa ideya na makasama ang Korean heartthrob na si Lee Seung Gi sa isang proyekto. Sa kickoff kasi ng Blackout Festival, bonggang ipinakilala ang VBank, ang digital banking network na itinatatag ng senatorial aspirant na si Luis “Chavit” Singson. Sa nasabing event, sinabi ng butihing public servant, pilantropo at businessman na balak niyang magprodyus ng pelikula para makatulong sa local movie industry.
Katunayan, in talks na raw siya sa mga kaibigan niyang si Lee Seung Gi at Ma Dong Seuk na bet gawing Hollywood ang Vigan. Ibig sabihin, kukunan ang pelikula sa Pinas kung saan si Manong Chavit ang magsu-supply ng Pinoy talents. Hirit pa niya, kasama raw sa cast ang komedyana bagamat hindi pa malinaw kung magiging leading lady ng “Vagabond” star ang Kapuso actress. Sey naman ni Ai Ai, pangarap daw talaga niya na makatrabaho ang nasabing oppa na idolo niya. “Siyempre, excited ako. Choosy pa ba ako eh, idol ko si Lee Seung-gi,” ani AiAi. Ayon pa kay AiAi, isa raw ang Korean actor sa kanyang pinapantasya. “Feeling ko, ang linis-linis at ang bango-bango niya, so bet na bet ko siya,” bulalas niya.
Game rin daw siya kung sakaling may kissing scene sila. “Di lang kissing scene, pati bed scene game,”pabiro niyang pahayag. Keber naman ni Ai Ai sa bashers niya nang putaktihin siya noon ng fans ni Lee Min-ho nang sabihin niyang di niya nagustuhan ang serye nitong” The King: Eternal Monarch”. “Iyon ay opinyon ko. Everyone naman is entitled to his own opinion. Kumbaga, iyon iyong take ko, so respetuhin na lang…at ang tagal na noon,” aniya. Sobra namang bilib si AiAi sa bisyon ng senatoriable na si Manong Chavit. “Actually, ninong ko siya. Iyong pagiging makatao niya, matulungin at maka-Diyos, iyon ang nasaksihan ko. Kailangan natin iyong mga ganoong qualities sa isang lider na iluluklok sa puwesto,” pahayag niya.
Thumbs up din daw siya sa mga programa nito para makatulong sa mga mahihirap, OFWs at iba pang marginalized sector. ” Sa panahon ngayon, malaking advantage iyong digital banking. Iyong VBank niya, malaking tulong iyon para ma-encourage ang lahat hindi lang para mag-impok kundi para mabigyan din ng convenient access sa mga transaksyon nila,”aniya.”Sabi nga niya, nagpapautang siya nang walang interest. Tinulungan din niya iyong e-jeep drivers na maka-acquire ng unit. Pati iyong interbank transactions made thru VBank, walang charges, so napakalaking tulong noon. Malaking tulong iyon hindi lang sa mga mahirap kundi pati sa OFWs natin, ” pahabol niya. Dagdag pa ng Comedy Queen, willing din daw siyang ikampanya si Manong Chavit sa senatorial bid nito.