


Hindi maikakailang tulad ng pagkahilig sa boksing ay patok din sa mga Pinoy ang mga timpalak kagandahan. Katunayan, naging aliwan na ng ating mga kababayan ang panonood ng beauty contest, maging pang-Miss Universe man ito, Miss Gay o pang-barangay. Kaya naman, naniniwala si Direk Joel Lamangan na malakas ang hatak sa madlang pipol ng entry nilang “All About Her” sa ika-8 edisyon ng Sinag Maynila Independent Film Festival.
Ayon kay Direk Joel, ang pelikula ay hinggil sa dalawang babae na naghahangad na maging reyna ng isang beauty pageant. Wika ng award-winning director, “It is a story of jealousy, it’s a story of ambition, a story of friendship, it’s a story of unity and disunity… “Dapat panoorin ninyo ito dahil makikita nyo ang mga katotohanang nangyayari sa beauty contest. Iyong mga hindi tinatalakay sa news, dito malalaman ninyo ang nangyayari sa loob ng beauty contest.” Tampok dito sina Yuki Sonoda, Kelley Day, at Tony Labrusca. Ang pelikula ay sumasalamin sa mga tunay na kaganapan sa mga beauty contest na interesadong-interesado lagi ang mga Pinoy.
Karamihan ng mga elementong nangyayari sa mga beauty contest ay makikita rito, tulad ng dayaan, gamitan, exploitation, at iba pa. Ang All About Her ay isang drama-thriller movie tungkol sa hiwagang bumabalot sa pagkamatay ng isang beauty queen. Naniniwala ang half-Japanese at half-Pinay na si Yuki na maraming mae-engganyong manood ng kanilang pelikula.
Aniya, “Napaka-fulfilling po sa pakiramdam na ang All About Her ay napili para sa Sinag Maynila Film Festival. “Very intriguing po ang story nito at naniniwala ako na maraming mae-engganyong manood, lalo na’t umiikot sa mundo ng beauty queens ang movie. Isang bagay na talagang mahal na mahal ng mga Filipino.” “May parts po na nakaka-relate ako, especially sa pressure at determination. Pero gusto ko pong linawin na opposite po ako sa character ko ritong si Isabella sa totoong buhay. Wala po akong ginawang masama para manalo ng title. Mas intense at mas ambitious po talaga yung character ko compared sa tunay kong personality,” nakangiting dagdag pa ni Yuki na naging 2nd runner up sa Miss Universe Japan 2020 at Miss Supranational Japan 2024.
Sabi naman ni Kelley na naging Miss Eco International 1st Runner Up 2021, “Nakaka-relate ako sa story, because yung first pageant ko na Miss World Philippines, I was actually competing with one of my best friends at the time. So, she ended up winning the crown and ako yung first runner-up… so, super nakaka-relate. “But I guess, like Yuki said, it’s competition so kahit friend mo, you’re fighting for the same crown. But there are ways to do it with respect, class and honesty. So, makikita nyo po sa film namin na there are different approaches that people take… Iyon yung gusto ko talaga sa movie, it’s not just about the competition, the crown… Like, you’ll see a lot of things about friendship, relationships, insecurities, struggles and that’s what I like how the film was written.”
Ito naman ang ibinahagi ni Tony sa kanilang movie, “I’m happy kasi I’ve got to worked with direk Joel alongside with Yuki and Kelley. We’re hoping that you guys will like our film, I think the highlight is going to be our two female leads. I’m just happy to support them. “I play the role of William dela Cruz and isa po akong pulis dito, and ako yung love interest ni Yuki.” Bukod kina Yuki, Kelley at Tony, tampok din dito sina Itan Rosales, Marco Gomez, Angelica Cervantes, Pancho Magno, at Jim Pebanco. Hatid ng 3:16 Media Network, ito’y mula sa screenplay ni Quinn Carrillo. Executive-producers dito sina Ms. Len Carrillo at Melanie Uy, Mike Lazo Jharvis Ong. Ang ‘All About Her’ ay mapapapanood sa mga piling sinehan sa Metro Manila mula March 23-29, 2026. Magkakaroon ito ng theatrical run sa Gateway Cinemas (Cubao, QC), Eastwood Cinemas (Libis, QC), Uptown Cinemas (BGC, Taguig City), Venice Cineplex (McKinley Hill, Taguig City) at Lucky Chinatown Cinemas (Binondo, Manila).

