
Upang wakasan ang pasakit na nararanasan ng mga ordinaryong pamilyang Pilipino, naglunsad si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ng malawakang kampanya laban sa mga profiteer, smuggler, at hoarder ng pagkain.
“Sa mga profiteers dyan, ‘yung mga unscrupulous traders and wholesalers, hahabulin namin kayo. Hindi namin papayagang magpatuloy ang ganitong pang-aabuso, lalo na ngayong panahon ng Pasko,” diin ni Romualdez.
Binigyang-diin din niya na gagawa ng agresibong hakbang ang Kongreso upang mapababa ang presyo ng pagkain, at mananatili itong pangunahing layunin ng Kamara na protektahan ang kapakanan ng mga Pilipino.
“The government is doing everything. Kakababa lang natin ng taripa para sa mga imported rice, mula 35% naging 15%. Ang daming supply na nakaimbak, pero bakit mataas pa rin ang presyo?” tanong ni Romualdez.
Dagdag pa niya, ang Kamara ay bumuo ng Quinta Comm, o Murang Pagkain Super Committee, na nag-iimbestiga kung bakit nananatiling mataas ang presyo ng bigas kahit na may sapat na suplay at nabawasan na ang taripa sa imported na bigas.
Bukod sa pagkain, tiniyak din ni Romualdez na tututukan ng Kamara ang mataas na presyo ng kuryente at ang suplay ng tubig.
“We will not stop there. Kapag nasimulan na ang solusyon sa pagpapababa ng presyo ng pangunahing bilihin, susuriin din namin ang iba pang pangangailangan ng mga tao tulad ng kuryente at tubig. Kami ang House of the People,” ani Romualdez.