
SA gitna ng nakakabahalang sitwasyon sa pagitan ng kaguluhan, pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo dulot ng digmaan ng US-Israel kontra Iran, pagtaas ng halaga ng iba’t ibang pangunahing bilihin at takot ng mga mamamayan na nababahala sa patuloy na mainit na gyera sa pagitan ng malalaking bansa…ang ating mga mambabatas sa mababang kapulungan ng kogreso ay abalang-abal kung paano patatalsikin ang ating bise presidente.
Kayong mga pinoy na nasasakupan o constituents ng bawat mga kongresista na bahagi ng pagdinig na ito na ang layunin ay biyakin pa ang katayuan, paninindigan at litong isipan ng mga mamamayang pilipino na ang pangunahing problema ay pagtaas ng presyo ng diesel at gasolina at pagkukulang ng mga traysikel at jeepney na pumapasada sa mga lansangan dahil wala nang kinikita ay ano ang masasabi natin sa mga …..hmmmmmnnnnn mga mambabatas na ito?
Tsk tsk tsk…ang ilang mga bansa ay busy na rin sa mga paghahanda sa pangambang baka isang araw ay madamay sa nagaganap na mga kaguluhan partikular sa gitnang silangan kung kaya’t ang iniisip ay hindi lamang ang kaligtasan ng kanilang mga mamamayan kundi ang kasiguruhan na sila ay hindi makakaranas ng hirap at kagutuman sa gitna ng sitwasyong ito sa kasalukuyan.
Wag po nating kalimutan ang mga mambabatas na tumutupad nang maayos sa kanilang mga tungkulin subali’t wag na wag rin nating kalilimutan ang pagmumukha ng mga mararangal na kinatawan (kuno) na ang paninindigan ay nakasandal sa kanilang pansariling kapakanan at kalagayang pampulitika.
Mga taong ang paningin ay nakatutok lamang sa kung saan sila makikinabang at hindi para sa kapakanan ng lahat ng mga mamamayan na dahilan kung bakit sila ay nasa kanilang mga posisyon sa kasalukuyan.
May mga jeepney driver na dahil sa kawalan ng kita sa kanilang pamamasada ay napilitan na lamang na isauli sa kanilang mga operator ang kanilang mga ipinapasadang pampublikong sasakyan.
May mga traysikel driver sa mga lalawigan na karatig ng Metro Manila ay halos barya na lamang ang natitira sa kinikita dahil sa sobrang taas ng presyo ng gasolina.
May mga nagtitinda sa mga palengke at talipapa na umaangal na rin dahil sa matumal na pagtitinda dulot na rin ng sapilitang pagtitipid ng mga ordinaryong pinoy na kailangan maghigpit ng kanilang mga sinturon para lamang makasabay sa nakakairitang sitwasyon ng pamumuhay sa kasalukuyan.
May mga empleyado sa mga pampublikong tanggapan at pribadong kumpanya ang apektado na rin sa kanilang pagpasok sa kanilang mga trabaho dahil nagsisimula nang kumonti ang mga bumibyaheng pampublikong mga sasakyan sa kalsada.
Pero ang ating mga mambabatas ay nakatutok sa impeachment case ni VP Sara Duterte dahil ito para sa kanila ay isa sa pinakamahalagang nararapat na kanilang talakayin sa gitna ng sitwasyong ito sa kasalukuyan.
Higit mahalaga kaysa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin?
Higit na mahalaga kaysa sa nagaganap na madugong digmaan sa gitnang silangan?
Higit na mahalaga sa patuloy na pagtaas sa presyo ng mga bilihin?
Higit na mahalaga kaysa kalagayan ng mga ordinaryong mga mamamayan na nasa gitna ng krisis na ang pangunahing dapat na mahingan ng tulong ay ang ating mga opisyal ng pamahalaan na dapat ay kinakalampag ng mga mambabatas na ito dahil iyon ang kanilang tungkulin para sa bayan?
Sakali ba at mapatalsik si VP Duterte sa kanyang posisyon ay magiging 30 pesos ang kilo ng bigas?
Magiging P15 ang isang lata ng sardinas?
Magiging 45 ang litro ng gasolina?
At libre na ang pamasahe sa mga sasakyan?
Tsk tsk tsk…pulitika…pulitika…pulitika…
Maawa kayo sa ating bayan!
