
KAWIKAAN 30:05
Bawa’t salita ng Dios ay subok: siya’y kalasag sa kanila, na nanganganlong sa kaniya
AT sinasabi sa banal na kasulatan na ang salita ng Dios ay hindi lamang malalim, matalinhaga, makahulugan, banal at kapaki-pakinabang kundi kalasag o panangga laban sa mga mapanilang mga kalaban ng kabutihan at mga banal na gawain ng pagpupuri sa kanya.
Ang salita ng panginoon ay nagsisilbi ring pananggalang ng mga kanyang mga tagasunod o mga alagad at maging ang mga gumaganap bilang tagapagpalaganap ng kanyang salita.
Kung kaya’t ang sinoman na patuloy at walang humpay at buong kabanalang nagtataguyod, tumatalima at nagpapakalat ng bawat salita ng Dios ay patuloy ding pinagpapala at laging mayroong matibay na kalasag o sanggahan sa anumang mga banta ng kapahakan.
Bagam’t may tagubilin na ang sinomang gumagamit sa pangalan ng panginoon at gayundin ang mga mapagpanggap na lihis ang mga galaw sa tunay at mga banal na gawain ay makatatanggap ng mas mabigat na kaparusahan.
Kaya’t ang sinoman na patuloy na nananampalataya, nagpapakalat ng mabuting balita at nagtataguyod sa panginoong Dios ay nakakatiyak na ligtas sa anumang pang-uusig at pagalipusta ng mga balakyot at kampon ng kasamaan.
Hindi rin magtatagumpay ang sinomang naghahangad na sirain, ibagsak at insultuhin ang mga taong sumasalampataya at patuloy na nangangaral gamit ang salita ng Dios.
Ito’y isang paalala mula sa kanyang mga salita na ang lahat ng patuloy na naniniwala sa kanyang kapangyarihan gayundin sa kanyang mga salita ay sa tuwina’y laging may matibay na sandalan at panangga sa anumang banta ng kapahamakan.
Purihin ang lahat ng mga nagkakanlong,nanananampalataya at nagpapalaganap ng kanyang mga salita
Purihin ang panginoon at ang kanyang salita.