


Inaakusahan pa rin si Arci Muñoz ng ilang online trolls at kahit ng iba pa sa Entertainment industry na lakwatsera. Pero bakit nga ba panay ang labas niya at punta sa iba’t ibang bansa sa buong mundo. Ang buong akala nila, ay “trip-trip lang” pero ngayon, inihahayag ng NDM Studios ang “Arci’s Mundo,” isang travel at lifestyle series na magbibigay-linaw sa totoong dahilan kung bakit panay ang byahe ni Arci. Inspired ng mga kilalang travel shows, nagsimula ang ideya habang nasa Vietnam si Arci kasama si Direk Nijel de Mesa para sa birthday ng line producer na si Ms. Jan Christine ng NDM Studios. Sa isang casual na usapan, pinahayag niya ang sobrang paghanga niya kay Anthony Bourdain at kung paano naapektuhan siya nito—at gusto niyang gumawa rin ng ganun, pero kasama ang kanyang “kalog” na Mommy na si Yolly Muñoz.
“Gusto kong gumawa ng sarili kong version nung travel and food show—pero ito, kasama ang ina ko na pinakamahalaga sa akin… na aking mundo! Doon pumasok ang ideya,” sabi ni Arci. “Agad naisip ni Direk Nijel na gawin na namin—sabi ni Direk ang title daw dapat ‘Arci’s Mundo’… kasi Mama ko ang mundo ko, tapos katunog pa ng Muñoz… at sabi nga ni Direk, may sarili akong mundo madalas,” tawa ni Arci.
Dahil dito, ang “Arci’s Mundo” ang naging flagship travel and lifestyle series ng NDM Originals, na unang limang episode ay kinuhanan mismo sa Vietnam, Cambodia, Malaysia, Indonesia, at Japan. Ang editing ay pinagtulungan ng creative team at post-production, sina Julia Chua at Therese Padua—sa gabay at pamamahala ni Direk Nijel.
“Sobrang nakakatawa kung paano ako napapatawa ng nakakatawang pag-aaway ni Arci at Mommy Yolly tungkol sa mga pinakasimpleng bagay,” sabi ni Direk Nijel. “Pero nakakatuwang makita kung paano nila madali lang natatapos ang mga argumento at agad naman silang nagkakaayos. Kakaiba ang dynamic nila bilang mag-ina,” dagdag niya.
Inaasahan ng production na makakapaghatid sila ng kakaibang klase palabas tungkol sa kanilang paglalakbay—hindi lang sa mga lugar na kanilang matutuklasan, kundi pati na rin sa tapat na samahan at pag-intindi sa isa’t isa ng ina at anak, na siyang tunay na kahulugan ng paglalakbay para kay Arci.
Ang NDM Studios ay tunay ngang nanatiling isang kilalang production house na gumagawa ng makabuluhang mga programa na layuning magdala ng makabuluhang kwento at inspirasyon sa mas malawak na audience. Ang “Arci’s Mundo” ay bahagi ng kanilang travel at lifestyle content dahil nais nilang makasama ang mas nakararami sa kanilang mga byahe at matutuklasan.
