Isang babae ang natagpuang patay at sinunog ng hindi kilalang salarin sa isang bakanteng lote sa Bacoor City nitong Sabado ng umaga.
Patuloy na inaalam ng Bacoor City Police ang pagkakakilanlan ng biktima at ang salarin sa karumal-dumal na insidente. Ang sunog na bangkay ay natagpuan sa loob ng Masterpiece Property, Villar City, Barangay Molino 4, sa nasabing lungsod.
Batay sa paunang ulat ng imbestigador na sina P/Cpl. Gibson Sabandal at Pat. Levin Sinatad, ang bangkay ay nadiskubre ni Oscar Reymundo Hermoso, isang 59-anyos na security guard na residente ng Queensrow East, Bacoor City, Cavite. Bandang alas-7:15 ng umaga, habang nagsasagawa siya ng roving inspection, nakita niya ang nasunog na katawan ng babae.
Agad na iniulat ng guwardya ang insidente sa pulisya, na mabilis namang rumesponde. Pagdating sa lugar, tumambad sa kanila ang bangkay ng babae na “partially burned.” Ang SOCO (Scene of Crime Operatives) mula sa Cavite Provincial Forensic Unit ay nagsagawa ng pagsusuri sa bangkay at kinumpirma ang sunog sa iba’t ibang bahagi ng katawan nito. Patuloy pang inaalam kung may mga sugat mula sa saksak o bala ang biktima.
Ayon sa pulisya, malaki ang posibilidad na hindi residente ng lugar ang biktima dahil walang nakakakilala sa kanya sa barangay.
Sa kasalukuyan, nangangalap na ng CCTV footage ang mga awtoridad sa paligid ng lugar upang makatulong sa imbestigasyon at maresolba ang kaso.