
lAMAN ng halos lahat ng mga pahayagan, online news website, telebisyon at mga iba’t ibang social media platforms ang tungkol sa pagkamatay ng dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Catalina Cabral.
Ito yung DPWH Usec. na idinadawit sa maanomalyang flood control projects kung saan isinasangkot din ang ilang mga pulitiko kabilang na rin ang iba pang mga matataas na opisyales ng DPWH at mga mambabatas.
Pinagtatalunan at patuloy na nagiging paksa ng mga usapan sa iba’t ibang panig ng bansa ang tunay na dahilan ng kanyang kamatayan.
May nagdududa sa sinasabing pagpapatiwakal nito at ang iba naman ay nagkakaroon ng hinala na baka ito raw ay pekeng suicide lamang na kadalasang ginagawa ngayon ng mga taong may sapat na pera upang baguhin ang hitsura ng kanilang mukha para matakasan ang anumang pananagutan sa batas bunga ng kanilang mga nagawang krimen.
Iba na kasi ang kapangyarihan ng siyensiya ngayon, ang lalaki ay madali nang magmukhang babae, ang lalaki ay saglit lamang puwede nang maging babae habang ang mga pangit basta may malaking halaga ay maari nang maging mas maganda pa sa Miss Universe ayon sa bagong mukha na kanyang gugustuhin.
Si Cabral bagama’t hindi pa naman nahahatulan sa korte kung siya nga ay may kasalanan sa maanomalyang flood control projects, naniniwala naman ang marami na isa siya sa maaring makapagbigay ng kumpletong impormasyon kung paano dumadaloy ang sistema ng pagkakaroon at pagkakaloob ng mga proyekto mula sa itaas hanggang sa pinakaibaba o mga kontratista.
Subali’t dahil natapos na ang buhay nito ay naging malaking isyu ang kanyang pagkawala.
Sa halip kasi na umusad pa ng mas mabilis ang imbestigasyon tungkol sa malaking isyung ito na kung saan ay talagang nababagalan na ang mga mamamayang pilipino ay tiyak na malaking tulong sana si Cabral para malaman ang katotohanan ng sambayanan kung sino talaga ang pinaka-ulo ng mala-sindikatong anomalyang ito sa loob ng ating pamahalaan.
Kahit kasi maglupasay tayo sa galit, kung wala namang mga ebidensiyang mag-uugnay sa kung sino mang mga pinagbibintangan na kasangkot diyan ay wala tayong ibang makikita kundi ang pagkakakulong ng tinatawag na malilit na dilis na may maliit na partisipasyon lamang sa matagal nang sistema ng pandarambong diyan sa DPWH.
Yun mga balyena at buwaya na sangkatutak na kuwarta ang nilamon sa kanilang ginawang mga ‘milagro’ tungkol sa flood control project ay mas malabo pa sa toyo at patis na makulong dahil walang mga matitibay na ebidensiyang maihaharap laban sa kanila bukod pa sa kawalan ng tiwala ng mga mamamayan sa ilang mga pangunahing ahensiya ng ating pamahalaan na dapat ay tumututok diyan.
Kaya sa pangyayaring ito ay hindi malayong isa-isang mawala na lamang na parang bula ang mga personalidad na pinaghihinalaan na may kinalaman sa isyu ng flood control projects na kalaunan ay matutulad na lamang sa mga malalaking anomalya sa pamahalaan na nabaon na lamang sa limot.
Dahilan para paulit-ulit lamang na makalusot para paulit-ulit lang dina na ginagawa ang mga ganitong sistema na hindi lamang nagpapahirap sa mga mamamayang pilipino kundi naglalagay din sa kahihiyan sa ating bansa.
Kaya ang ating bansa ay hindi umaangat at napag-iiwanan na ng mga karatig natin na bansa kung ang pagbabatayan ay ang kaunlaran ng kabuhayan.
Paano tayo uunlad kung ang pondo ng bayan na dapat ay nagugugol para sa ating pag-angat ay hinaharvest nitong mga kawatan sa ating pamahalaan.
Hayssss KARA DAVID…kailan nga po pala ulit yun birthday mo?
oooooo00000000oooooooo00000000
TINATAYANG aabot pa hanggang sa mahigit 3 milyong mga pasahero ang dadagsa sa mga terminal bus sa Cubao, Pasay at Paranaque Terminal Exchange (PITX) para bumiyahe pauwi sa probinsiya at pabalik sa Metro Manila mula nitong Disyembre 18 hanggang Enero 6.
Kung magpapatuloy ang bilang ng mga pasaherong dadagsa sa mga nabanggit na terminal mula nitong Disyembre 18 hanggang ilang araw pa makalagpas ang bagong taon ay hindi imposible na mahigit sa bilang na tatlong milyong pasahero ang magbalikan mula sa mga probinsiya at iba’t ibang lungsod sa Metro Manila at mga karatig lalawigan.
Sa PITX pa lamang ay umaabot na umano sa kulang na 160K na mga pasahero ang nagpupunta doon sa loob lamang ng isang araw habang tinatayang nasa halos limampu hanggang 60k na mga pasahero naman ang inaasahan na magtutungo araw araw sa iba’t ibang mga terminal sa lungsod ng Cubao at Pasay.
Dahil dito ay inaasahan na rin natin ang mas mahigpit na seguridad ang ilalatag na plano ng mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan upang matiyak na magiging ligtas ang pagbiyahe ng ating mga kababayan para sa kanilang mas komportable at safe na paglalakbay kaugnay ng christmas vacation.
Ang Philippine National Police (PNP), Land Transportation Office (LTO), Department of Transportation (DOTr), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ay inaasahan na magtutulung-tulong upang ma-monitor nang maayos ang pagbiyahe ng ating mga kababayan na uuwi sa kanilang mga probinsiya gayundin ang mga pasaherong lumuluwas naman dito sa Metro Manila.
MALIGAYANG PAGLALAKBAY!
