
TODAS ang isang 12-taong gulang na bata matapos magkalasug-lasog ang katawan nito habang malubhang nasugatan ang isa pang kasama niya na kasing-edad din ng batang lalaking biktima matapos na masabugan ng kanilang sinindihan na paputok na hugis trayanggulo na naganap kagabi sa Tondo, Manila.
Batay sa ulat ng pulisya, pasado alas-8 ng gabi nang nangyari ang naturang insidente sa may Jose Abad Santos Avenue at batay sa mga kuha ng CCTV ng barangay 223 at 224 sa Tondo ay nakita ang dalawang bata na naglalakad habang may hawak ang isa ng isang hugis trayanggulo na isang uri ng iligal na paputok at makalipas lamang ang ilang saglit ay bigla na lamang umanong nakarinig ng isang malakas na pagsabog ang mga tao sa paligid na sinundan ng pagkalat ng makapal na usok.
May nakakita rin umano na nakaupo ang dalawang bata sa gilid ng kalsada habang may hawak ng malaking trayanggulo na paputok o tinatawag na big triangle bago maganap ang naturang pagsabog.
Agad na nasawi ang isa sa dalawang biktima kung saan dahil umano sa lakas ng pagsabog dulot ng iligal na paputok ay humiwalay ang binti ng biktima at naputol din ang braso nito habang mabilis naman na isinugod sa ospital ang kasama niyang bata na matinding nasugatan.
Batay sa salaysay ng isang kagawad ng barangay sa lugar na agad na nagtungo sa lugar na pinangyarihan ng pagsabog, kasalukuyan umano silang abala sa paghahanda para sa kanilang christmas party nang makarinig sila ng malakas na pagsabog dakong alas-8:20 ng gabi.
Agad umano nilang sinaklolohan ang isa sa dalawang bata na malubhang nasugatan at isinakay nila ito sa isang traysikel at mabilis na isinugod sa ospital habang ang nasawi ay hindi na umano nila ginalaw dahil nagkalasug-lasog at nakahiwalay na umano ang ilang bahagi ng katawan nito sanhi ng malakas na pagsabog.
Dahil umano sa lakas ng naturang pagsabog ay nabutas umano ang yero na bubong sa kalapit na parking lot, may mga nabasag na salamin sa may katabing gusali at mayroon umano silang nakita na isang malalim na uka sa kalsada na marahil ay ang lugar kung saan sinindihan ang paputok.
Sinabi naman ng ina ng batang sugatan na hindi umano nito alam na iligal na paputok ang bitbit ng mga bata at ang sabi ng kanyang anak ay naglalakad lamang daw sila at nakapulot sila ng paputok at akala nila ay piccolo.
Kasalukuyan pa ring iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pangyayari at inaalam kung saan nanggaling ang paputok at paano napasakamay ito ng mga batang biktima.
