SIKAT na sikat pa rin hanggang ngayon si Bea Alonzo, kaya hindi pa niya magiging plano na iwanan ang showbiz. Iniintriga lang ang kanyang edad, dahil lagpas na siya sa tamang panahon para mag-asawa, pero hindi pa nga nangyayari, dahil sa magkakasunod na pagkaunsiyami ng kanyang mga pakikipagrelasyon.
Hindi tinatantanan si Bea ng mga intrigero’t intrigera sa showbiz. Pagkatapos daw ng teleseryeng “Widows’ War” sa GMA-7 ay saan na daw pupulutin ang kanyang movie career? Makakabalik pa ba siya sa ABS-CBN na kanyang pinanggalingan, nagpasikat at nagturing na Reyna sa kanya dahil sa ilang ulit siyang tinanghal na Box-Office Queen sa kasagsagan ng loveteam nila ni John Lloyd Cruz.
Hindi na raw matutuloy ang balik-tambalan nila ni John Lloyd. Kinokontra din ang planong pagsamahin silang muli sa isang project ni Alden Richards. Naglalakihang mga proyekto na bagay lang sana sa kasikatan ni Bea, ‘di ba naman?
Pera sa estado ng buhay ngayon ni Bea ay wala siyang dapat na ikatakot kung tumamlay man ang kanyang kasikatan. Sa kasagsagan ng kanyang movie career ay sobra siyang nagsipag at nakapag-ipon. Hindi ipinagyayabang, pero napakayaman na ni Bea kahit huminto na siya sa pag-aartista.
NADINE LUSTRE, TUNAY NA AKTRES AT HINDI GIMIKERA
MATAGUMPAY na naiangat ni Nadine Lustre ang kanyang pangalan sa showbiz bilang ngayon ay kinikilalang mahusay na aktres, dahil sunud-sunod na siyang tumanggap ng mga karangalan bilang Best Actress.
Nasayang man ang loveteam nila ni James Reid dahil nagkahiwalay din sila bilang magkarelasyon noon, ay napatunayan naman sa magkakasunod na pelikulang kanyang pinagbidahan, na hindi niya kailangan ng permanenteng kapareha, lalo pa’t hindi na rin naman siya bagets para kung may ka-loveteam ay magpakilig ng mga fans.
Napag-iwanan na ni Nadine si James sa kasikatan. Kung ang tisoy na aktor ay parang nahihirapang makabalik sa dating kasikatan, si Nadine ay malalaking proyekto ang mga natatanggap na alok pambenta ang galing niya sa pag-arte.
Nagugustuhan sa showbiz ang kasimplehan at positibong ugali ni Nadine. Hindi siya gimikera. Hindi papansin. Hindi uhaw na mapag-usapan. Hindi sinakyan ni Nadine ang intrigang pinalulutang noon, na sa pelikulang “Uninvited” ng Mentorque Productions, ay siya ang magdadala ng movie dahil siya ang lulutang na bida, at magiging suporta lang niya ang Star for All Seasons. Ipinagkibit-balikat lang iyon ni Nadine, dahil klaro sa kabuoan ng pelikula na ang tunay na bida ay si Vilma Santos.