


UMABOT na sa kabuuang bilang na tatlumpung katao ang minalas na nasawi sa mga lugar na tinamaan ng tatlong bagyong Crising, Dante at Emong na lalo pang nagpaigting sa hanging habagat na naging sanhi naman ng kabi-kabilang baha at pagkasira ng mga ari-arian at panananim sa ibat ibang panig ng bansa.
Siyam ang kumpirmadong namatay sa National Capital Region (NCR) dalawa sa Region 2, isa sa Central Luzon, tigtatatlo naman sa Western Visayas, Northern Mindanao Negros Island, tig-iisa naman mula sa Davao, Caraga regions at MIMAROPA.
May isa pang nasawi at minalas na nakuryente sa Bulacan at dalawa pa mula sa Surigao Del Norte at Camiguin na namatay matapos mabagsakan ng puno.
Karamihan umano sa mga nasawi ay nakuryente at nalunod dahil sa biglaang pagtaas ng tubig baha.
May ilan ding napaulat na nawawala sa mga lugar ng CALABARZON, Metro Manila, Central Luzon at Western Visayas bukod pa ang mga naitalang ilang sugatan sanhi pa rin ng pananalasa ng walang humpay na pag-ulan na nagdulot ng baha.
Kaugnay dito ay nagdeklara na rin ng state of calamity sa iba’t ibang lugar sa bansa na labis na naapektuhan sa nakaraang magkasunod na bagyo na umabot na sa bilang na mahigit 80 na lugar upang agad na matulungan ang mga naging biktima na karamihan ay nasa evacuation centers at nanatili sa kanilang mga tahanan na hanggang sa kasalukuyan ay nakalubog pa rin sa baha.
Umabot naman sa bilang na 5.2 milyong indibidwal ang naapektuhan ng kalamidad mula sa halos 5,900 na barangay at ayon naman sa ulat ngayong Sabado ng umaga ng National Disaster Risk Reduction and Management Council ( NDRRMC), ay umabot sa bilang na 5, 299, 299 katao o 1, 460, 986 na pamilya ang kumpirmadong apektado ng nabanggit na magkakasunod na sama ng panahon na pumasok sa bansa nitong nakalipas na isang linggo.
