
MASAKLAP ang naging wakas ng mga naging biktima ng pagguho ng sandamukal na basura sa Landfill sa Cebu City na ngayon ay umabot na sa bilang na 35 habang patuloy pa rin ang isinasagawang paghahalukay, paghahanap at retrieval operations sa lugar.
Ang pangyayaring ito bagama’t itinuturing na isang malagim na aksidente ay isang malaking ‘hindi’ para sa hanay o grupo ng mga manggagawang pilipino.
Para sa kanila, ito ay isang malubhang pagkakamali na likha ng tao na nauwi sa isang trahedya na nagbuwis ng maraming buhay.
Malagim na kamatayang maari sanang naiwasan kung nagkaroon lamang ng mas maayos na pamamahala sa tambakan ng basura.
Bagama’t nahaharap na ngayon sa isang malaking problema at sumasailalim na sa imbestigasyon ang Prime Integrated Waste Solutions, Incorporated kaugnay ng pangyayaring ito, hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring malinaw kung ano at bakit nangyari ang naturang pagguho.
Habang nagpapagaling sa pagamutan ang mga naging sugatan, nakaburol ang mga nasawi at patuloy na pinaghahanap ang iba pang mga nawawala may posibilidad na kasama na ring natabunan ng gumuhong bundok ng basura ay may kakaibang kirot ito sa mga puso ng mga nawalan at binawian ng kanilang mga mahal sa buhay sa hindi tamang panahon.
Bagama’t ang lokal na pamahalaang ng Lungsod ng Cebu ay naging mabilis sa kanilang pag-aksyon upang matulungan ang mga naging biktima at gayundin ang kanilang mga pamilya, ang kalungkutang inihatid nito sa pamilya ng mga nasawi ay hindi matatawaran.
Bukod sa kanilang sakit na nararamdaman ay naroon ang malaking katanungan kung ano ba talaga ang tunay na nangyari sa kanilang mahal sa buhay at ano na kaya ang kahihinatnan ng isasagawang imbestigasyon tungkol sa naging sanhi ng kanilang kamatayan.
Ang Binaliw Lanffill ay gumuho noong Enero 8, 2026 at hanggang sa kasalukuyan ay patuloy pa rin ang pagsasagawa ng search and retrieval operations sa pagbabakasakali na mahanap pa ang ilang manggagawa na kasama ng mga naging biktimang nasugatan at nasawi.
Dalangin natin na sana ay matagpuan na ang mga nawawala pang mga manggagawa at upang matapos na rin ang paghihirap ng kalooban ng kanilang naghihintay na mga mahal sa buhay at makapagpahinga na rin ang ating mga kababayan na kabilang sa mga nagtutulung-tulong sa paghahanap sa iba pang biktima.
Ang Cebu City Council ay nagdeklara ng state of calamity noong Enero 13 upang mas mapabilis ang pagkakaloob ng suporta, ayuda at maging mas epektibo ang pagresponde ukol sa pangyayaring ito.

