

Noon pa man ay may naririnig nang magandang feedbacks ang magaling at award-winning actress na si Chanda Romero sa mga kasamahan sa industrya na nakatrabaho ang Kapamilya Primetime King na si Coco Martin.
Kaya naman, na-curious daw siya kung ano ang karisma ni Coco at isa siya sa well-loved lodis sa local tinseltown.
Nagkatotoo naman ang kanyang pangarap na maka-work ang aktor nang mapabilang siya sa bagong cast members ng seryeng “FPJ’s Batang Quiapo.”
Sa kanya namang karanasan sa pakikipagtrabaho kay Coco, hindi niya maiwasang magpahayag ng sobrang paghanga.
“Every single day that I work with him, napapanganga ako. Sometimes, I’m just in awe sa lahat ng ginagawa niya at sa lahat ng kaya niyang gawin. I was actually looking forward to see him in action. Siya iyong producer, siya rin iyong director. He’s the star, the lead role and yet manages to be on top of things. Alam niya ang lahat ng nangyayari,” lahad niya.
Sobrang bilib din daw siya si Coco sa pagiging humble, professional at maalaga.
“His name is big pero he’s still very humble, very respectful, very professional on the set. He involves you sa creative process. He and his team is very open. When you’re awkward or uncomfortable with a line, you can suggest. You can have your inputs for as long as you have an understanding of your role and the situation. You’re really part of the whole process. Hindi ka lang empleyado. Hindi ka lang artista na binabayaran per day. They value your input and that’s very satisfying and rewarding for an actor,” paliwanag niya.
Para kay Chanda, malaking challenge sa kanya ang gampanan ang karakter ni Olivia Guerrero Torres, isang tusong politician at anak ng isang mayamang clan na hindi mo masabi kung kakampi o kaaway ni Tanggol (karakter ni Coco.)
“She’s very, very complex. Ang dami, dami niyang layers. She’s an ambitious woman but she’s also hardworking. She works hard to achieve her goals. She works hard to get the approval of her father that he loves and respects. She’s very volatile. Meron siyang moments that she explodes like a volcano pero alam mo kung saan siya nanggagaling, iyong poot, iyong frustration, iyong anger, iyong pain. Di siya black and white, marami siyang gray areas,” ani Chanda. “Very challenging sa akin si Olivia dahil marami siyang mukha. Iba siya kapag kaharap niya iyong karakter ni Christopher (de Leon) , ni Tommy (Abuel) at ni Coco. She’s a real human being with a lot of weaknesses and also a lot of strengths,” dugtong niya.
Dahil isang ambisyosang babae ng isang makapangyarihang angkan ang kanyang role sa serye, natanong namin siya kung sa tunay na buhay ay binalak ba niyang sumabak sa pulitika tulad ng papel ni Olivia.
“No never. In the past, there had been insinuations and offers, years pa. Pero binabaril ko agad iyong idea. It’s not easy,”pakli niya.
Dagdag pa niya, ang pulitika ay ibang larangan sa showbiz na kailangan din ng malawak na kaalaman at masusing pagsasanay.
“Hindi basta basta ang pumasok sa pulitika. Kung mahirap mag-artista, mas mahirap magpulitika. Ang tingin ko riyan, di career, it’s a life. Kung ano iyong prinisenta mo sa tao, pangatawanan mo.
Sa politics, walang pack-up. Araw-araw, ikaw iyong magiging model sa constituents mo. Araw-araw, dapat magsilbi ka sa constituents mo, hindi ikaw iyong pagsisisilbihan,”hirit niya. “Nakakahiya na papasok ka sa pulitika na wala kang alam. Sabi nga ni Dolphy noon, ayaw niya pumasok sa pulitika. Nakakatakot kasi pumasok sa pulitika pero mas nakakatakot kapag nanalo ka. When you’re there, you’re expected to do your job. You are expected to serve the people. And how can you do that, kung wala kang alam sa batas, about the country and culture. Most of all, you should have the heart, the mind and the soul to serve. You should be the servant to those who voted for you instead of vice versa,” pagtatapos niya.
Ang “FPJ’s Batang Quiapo” ang nananatiling most-watched teleserye sa bansa.
Pinagbibidahan ni Coco Martin, tampok din dito sina Charo Santos, Christopher de Leon, Cherry Pie Picache, John Estrada, Joel Lamangan, Ronwaldo Martin at McCoy de Leon.
Bukod kay Chanda, kasama naman sa bagong cast members ng pinakaaabangang TV series sina Celia Rodriguez, Dante Rivero, Albert Martinez, Jake Cuenca, Andrea Brillantes, Angel Aquino, Juan Rodrigo, Paolo Paraiso, Gillian Vicencio, Shamaine Buencamino, Michael de Mesa at iba pa.
