Magsisimula nang magtalaga ang Commission on Elections (Comelec) ng mga checkpoints sa mga estratehikong lugar sa bansa ngayong weekend.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, ito ay bahagi ng paghahanda para sa election period ng 2025 National and Local Elections (NLE), na tatagal mula Enero 11 hanggang Hunyo 12.
Sa nasabing panahon, ipatutupad din ang gun ban, kaya’t kinakailangan ang presensya ng mga checkpoint na pamamahalaan ng mga tauhan ng militar at pulisya.
“Ang election period ay magsisimula sa Enero 11 at magtatapos sa Hunyo 12. Kaya’t ganoon din ang haba ng operasyon ng mga checkpoint,” ani Garcia.
Ipinaliwanag din niya na ang ‘plain view doctrine’ ay mahigpit na susundin sa mga checkpoint. Nangangahulugan ito na kailangang ibaba ng mga motorista ang kanilang bintana at buksan ang ilaw sa loob ng sasakyan. Hindi na kailangang buksan ang trunk, compartment, o mga bag.
Sa ilalim ng gun ban, mahigpit na ipinagbabawal ang pagdadala ng mga nakamamatay na armas tulad ng baril, bala, patalim, pampasabog, at iba pang katulad na bagay.
Tanging mga awtoridad lamang ang pinapayagang magdala ng armas sa labas ng kanilang tahanan, maliban kung may exemption mula sa Comelec.
Nagbabala rin si Garcia na ang sinumang mahuhuling lumalabag sa gun ban ay agad na aarestuhin at haharap sa kaukulang kaso.