

NATATAWA tayo sa nagaganap ngayon dito sa ating bansa.
Habang busy ang lahat sa pag-aabang sa kalalabasan ng mga isinasagawang imbestigasyon tungkol sa mainit na isyu ng mga ghost flood control projects, mga pagpapakulong sa mga isinasangkot sa mga sinasabing anomalya at ang isyu sa mga tinanggap at hindi tinanggap na nga mga impeachment complaint na inihain sa tanggapan ng House Secretary General atbp ay biglang sumingit itong isyu tungkol dito kay Commodore Jay Tarriela ng Philippine Coast Guard.
Si Tarriela, ang PCG spokesperson na pinag-initan ng Chinese Embassy matapos na mag-post na naglalaman ng caricature ng Pangulo ng China na si President Xi Jinping sa isang kakatwang itsura.
Noong sinulat natin ang Part 1 ng artikulo tungkol dito ay bago pa lamang nagkakainitan ang Chinese Embassy at itong tagapagsalita ng PCG na ang pinagmulan ay ang tungkol sa naturang caricature ni Pres. Xi Jinping na hindi nagustuhan ng embahada ng Tsina dahil para sa kanila, ito ay isang tahasang pambabastos sa lider ng kanilang bansa.
Sa panig naman ni Tarriela at ng mga pumapanig sa kanya, kalayaan umano ng kahit na sinong tao na magpahayag ng kanyang nais na ipahayag at iyon ay karapatan ng kahit na sinong mamamayan.
Tumpak, mga suki.
Lahat tayo ay may kalayaan na maghayag ng ating nais na sabihin subali’t dapat ay maging maingat tayo at handa sa anumang magiging bunga ng ginawa nating mga paghahayag.
At sa isyung ito ay sino ba talaga ang may pagkakamali at ano po ba talaga ang isyu na dapat na talakayin upang maging mas malinaw sa lahat.
Alisin po natin muna ang isyu tungkol sa West Philippine Sea dahil hindi naman ito ang isyu na pinupunto ng mga Tsino na nasa Chinese Embassy.
Ang pinag-ugatan ng pagsasagutan ng panig ni Tarriela at ng Chinese Embassy ay ang ginawa ni Tarriela na caricature ni Pres. Jinping na hindi nagustuhan ng mga Tsino kaya sila ay nagsalita at sinabing hindi puwedeng gawing sanggahan ang freedom of speech upang mambastos ng lider ng ibang bansa.
Malinaw di po ba?
Ang naging aksyon ng mga Tsino ay ibinatay sa kung ano ang ginawa nitong PCG spokesperson sa pangulo ng China.
Pero ang nakapagtataka ay bakit biglang napunta sa isyu ng West Philippine Sea ang usapan o sa sinasabing pambu-bully ng China sa mga pilipino na naglalaot sa WPS?
Ipinagtanggol pa nga tuloy ng ating mga mambabatas itong si Tarriela dahil magaspang daw ang mga salitang binitiwan ng mga taga-embahada ng Tsina tungkol sa isyu.
At ano ba ang tunay na isyu?
Ang isyu ay ang tungkol sa ginawa ni Tarriela pero ang nangyari, kinampihan siya ng mga mambabatas bigla at nauwi na ang usapan tungkol sa isyu ng agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea.
Tingnan ninyo…isyu ng bastusan ng lider ng ibang bansa tapos nang maglabu-labo ay napunta na ang isyu sa WPS.
Nagsisitayo na ang ating mga mambabatas at ipinagtanggol si tarriela na ang lumilitaw na naging isyu ay ang tungkol na sa pambu-bully ng China sa West Philippine Sea.
‘Wag po tayong malito at huwag po tayong sumakay sa maling bangka.
Dahil mukhang naliligaw o sadyang inililigaw ng kung sino ang isyu tungkol sa apela ng mga Tsino sa embahada.
Tayong mga pinoy ay natural na mga makabayan.
Ayaw na ayaw natin na tayo ay naaapi lalo na kung tayo ay narito sa ating bayan.
Pero lumagay po tayo sa tamang panig na ating ipinaglalaban.
Malaki kasi ang magiging epekto sa ating bansa sakali at magpatuloy ang mainit na sagutan ng magkabilang panig.
Maraming maaring madamay hindi lamang ang mga kababayan natin na naghahanapbuhay o nagnenegosyo sa bansang China, maaring malagay sa hindi maganda ang relasyon ng ating kalakalan sa kanilang bansa at ang pinakamatindi sa lahat ay paano kung mauwi sa girian at totoong digmaan ang isyung ito.
Sino ang kawawa?
Kaya ang payo natin sa ating mga matataas na opisyal ng pamahalaan at sa mga pulitikong mahilig sumawsaw sa mga isyu ay maghinay-hinay po kayo at hindi lang po kayo ang malalagay sa alanganin kapag nagkagulo.
Kaming mga tahimik na mamamayan po ay walang kalaban-laban na mapapahamak karamay ninyo sakali at mauwi sa hindi maganda ang usaping ito.
Dapat marahil ay talakayin na ninyo nang malinaw ang isyu para hindi maligaw ang lahat.
Ihiwalay po natin ang pagtalakay sa isyu ni Tarriela at ang pagpapaliwanag sa mga mamamayang pilipino tungkol sa ating legal na teritoryo sa West Philippine Sea.
Alin ang sa atin…alin ang sa China…alin ang sa Malaysia…alin ang sa Vietnam…at aling portion ang walang nagmamay-ari at alin naman ang sinasabing nasasakupan natin na sinasakop ng China.
Para ang lahat ng pilipino na gustong sumawsaw sa isyu o gustong magkaroon ng kaalaman tungkol sa isyu ay maunawaan ng malinaw ang tungkol diyan.
Wag po ninyong palayasin agad ang mga taga-Chinese Embassy…usap-usap lang muna…masyado high blood eh.
Maging mahinahon lang po tayo para maging maayos ang lahat.
Okey?
At si Tarriela…dapat ay ipaliwanag niya kung ano ang kanyang tunay na layunin sa kanyang ginawa…sundalo kasi siya kung kaya’t sinita agad ng mga Tsino ang kanyang ginawa.
Kung itong kaibigan natin na si Totoy Bibo lang ang gumawa ng ganyan eh baka di naman yan papansinin.
