
PINASINUNGALINGAN ng tanggapan ng Department of Social Welafare and Development (DSWD) ang tungkol sa pagkalat ng mga posts sa facebook at iba’t ibang social media platforms kung saan nakasaad dito na mayroon umanong ipagkakaloob na christmas bonus ang nabanggit na ahensiya para sa mga benipisyaryo ng 4Ps kung saan ay may nakalap na impormasyon na ang nagpapakalat nito ay pawang mga miyembro umano ng 4Ps mismo.
Dahil dito ay binalaan ng DSWD na huwag nang tulungan pa ang nagpapakalat ng mga maling impormasyon sa pamamagitan ng reposting ng mga posts na wala namang katotohanan na nagdudulot lamang ng kalituhan at galit para sa mga benepisyaryo din mismo.
“Ang DSWD po ay may nakuhang mga reports tungkol sa mga naglalabasan na social media posts na may ipapamahagi raw na Christmas bonus sa mga benepisyaryo ng 4Ps. Ito po ay hindi totoo at maaaring isang mekanismo ng mga online scammers para makuha ang mga pribadong impormasyon ng ating mga beneficiaries,” pahayag ni Asst. Secretary Irene Dumlao kaugnay ng pagkalat ng fake news.
Pinaalalahanan din ni Dumlao ang mga miyembro ng 4Ps na huwag umanong magbibigay ng anumang mga pribadong impormasyon tungkol sa kanila sa mga nagpo-post ng mga ganitong maling balita sa social media.
” Lahat po ng mga impormasyon na manggagaling sa DSWD ay magmumula lamang sa inyong mga municipal at city links, at pati na rin sa official social media page ng 4Ps at ng DSWD,” dagdag pa niya.“Hinihimok namin ang lahat na maging mapagmatyag laban sa anumang maling impormasyon at huwag pong basta-basta magbibigay ng inyong mga pribadong impormasyon sa social media.”
