
KAPAG napapanood ngayon ang mga lumang pelikula ni Claudine Barretto ay karugtong na ring sasariwain ang panahon ng magkakasunod na mga pinagbidahan at pumatok nitong mga teleserye sa ABS-CBN na naghatid sa kanya sa dulo ng kasikatan na hinangad marating ng mga baguhang artista noon sa showbiz.
Hindi nabubura sa isipan ng masa na mahilig manood ng mga teleserye, na nagreyna talaga noon si Claudine sa paggawa ng nga teleserye. Malaking pagtataka kung bakit hindi na ulit makapagbida ang ex-wife ni Raymart Santiago sa mga teleserye? Napakaganda pa rin niya hanggang ngayon, at hindi pa rin kinalalawang ang galing sa pag-arte.
Hindi naman nawawala ang mga planong pelikula at teleserye para kay Claudine. Kaya lang, dapat talaga ay magkaroon siya ng matinding project na tutugma sa kalibre niya bilang dating iniidolong maganda at mahusay na aktres.
Ilang taon na kasi, ang mga magagandang plano tungkol sa movie career ni Claudine ay natatabunan ng kung ano-anong balita tungkol sa kanyang paulit-ulit na pinagdaraang problema. Nababantilawan na ang kanyang kasikatan. Pero kahit matatagalang pahinga ang movie career ni Claudine ay napakarami pa rin niyang mga fans na naghihintay na suportahan siya kung mayroon siya bagong project, pelikula man o teleserye.
JOSHUA GARCIA, SASABAK NA BA SA PAGPAPASEKSI?
NABULABOG ang social media, at marami ang nagulat sa naglabasang sexy pictorial ni Joshua Garcia. Wala namang laswa sa mga naglabasang letrato ng simple, guwapo at mahusay na aktor. Pero hindi sanay ang mga fans na makita siya sa ganung hitsura dahil wholesome ang kanyang image.
Sa unang apat na naglabasang mga letrato, isa doon ang umagaw ng pansin sa publiko. Naka-pantalon si Joshua, pero may bumakat talaga sa kanyang harapan. Kaya nag-uunahan ang maraming tanong: May daya ba ang pa-bakat? Ganu’n ba talaga ka-impressive ang ipinagmamalaki sa buhay ni Joshua? Magpapaseksi ba siya?
Ganu’n pa man, kung walang daya ang lahat, ay nadala naman nang maayos ni Joshua ang mga nasabing sexy photos. Hindi na siya bagets. Gumawa na nga siya dati ng kissing scene sa teleserye, at ikinagulat din iyon ng mga manonood. Pero para saan nga ba ang pagpapakita ng kaseksihan niya ngayon?

