Ibinasura ng Commission on Elections (Comelec) ang petisyon para idiskwalipika si Apollo Quiboloy, na inaakusahan ng child abuse, sa pagtakbo sa darating na May 2025 midterm elections.
Sa 14-pahinang desisyon ng Comelec First Division, nabigo si labor leader Sonny Matula, ang petitioner, na magbigay ng sapat na ebidensya upang ipawalang-bisa ang certificate of candidacy (COC) ng nakakulong na religious leader.
Batay sa desisyon na inilabas noong Disyembre 20, 2024, sinabi ng Comelec:
“Even if this Commission (First Division) were to apply the rules on liberality and decide based on the merits of this Petition, the grounds relied upon by the Petitioner for the disqualification of Res-pondent and the cancellation of his COC are incorrect and without factual and legal basis.”
Dagdag pa rito, binanggit ng Comelec na nagkaroon ng procedural lapses sa paghahain ng petisyon. Nilinaw rin na ang petisyon para ideklara ang isang kandidato bilang “nuisance” ay hindi maaaring pagsamahin sa iba pang batayan para sa ibang remedyo.
Iginiit ni Matula na hindi wasto ang nominasyon ni Quiboloy mula sa Partido ng Manggagawa at Magsasaka dahil sa umano’y hindi awtorisadong pagpirma sa kanyang Certificate of Nomination and Acceptance (CONA).
Gayunpaman, nagpasiya ang Comelec na walang naganap na “material misrepresentation” alinsunod sa mga batas sa eleksyon. Napag-alamang binawi ang CONA ni Quiboloy noong Oktubre 21, at siya ay nagpasya na tumakbo bilang isang independent senatorial candidate.