Naaresto ng mga operatiba ng pulisya ang isang cryptocurrency investor na nagtatrabaho rin bilang call center agent matapos masamsam ang P1.4 milyon halaga ng marijuana vape, ecstasy, at shabu sa isang buy-bust operation sa Makati City, hatinggabi ng Biyernes. Samantala, nakatakas ang isa pa nilang kasamahan.
Kinilala ang mga suspek bilang sina alyas “Lulu,” 37, at alyas “Pinky,” 46, na nakatakdang isailalim sa inquest proceedings sa Makati City Prosecutor’s Office dahil sa paglabag sa Sections 5 at 11 ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002). Patuloy namang tinutugis ang nakatakas na suspek na si alyas “Jake,” 36.
Ayon sa ulat, naganap ang operasyon bandang alas-12 ng hatinggabi noong Enero 17, 2025. Sa tulong ng mga tauhan ng Makati City Police Station Drug Enforcement Unit at Sub-Station 6, naaresto ang mga suspek sa Barangay Bel-Air, Makati City matapos magtagumpay ang poseur-buyer na makabili ng 101 piraso ng self-sealing plastic na may label na “POP! CARTS.” Ang mga ito ay naglalaman ng disposable vape cartridges na may marijuana oil na tinatayang may halaga ng P1,393,000.