
DAHIL sa katakut-takot na isyu ng korapsyon sa Pilipinas, mga pulitiko at mga empleyado ng pamahalaan na nabuking sa diumano’y malawakang anomalya tungkol sa pagsasamantala sa kaban ng bayan ay nadadamay na ang mga kababayan nating mga pilipino na nasa ibayong dagat.
Sira na ang image ng bawat pilipino dahil kahit saang panig ng mundo ay kalat na ang masamang balitang ito na nakakaapekto sa mga kababayan natin na mga nagtatrabaho at naninirahan sa iba’t ibang mga bansa.
Damay sila sa kahihiyan ng mga pulitiko at mga buwayang kawatan na mga kontraktor at ilang mga matataas na kawani ng DPWH na isinasangkot sa sinasabing pinakamalaking anomalya sa kasaysayan ng Pilipinas.
Pinagpipistahan ng International media ang tila karnabal na na nagaganap sa ating bansa.
At hanggat walang napapanagot at walang nakikitang naipapakulong kaugnay sa isyung ito ay mananatili na nakakapit sa balat at mukha ng 110 milyong pinoy na sila ay naninirahan sa isang bansa na pinamumugaran ng mga mandarambong.
Tsk tsk Kawawang mga pinoy…lubog na sa hirap dahil sa kakulangan ng hanapbuhay, gipit na sa pangangailangan bunga ng mababang sahod at mataas na halaga ng bilihin, lubog pa sa baha tuwing panahon ng tag-ulan at ngayon ay lubog na rin sa kahihiyan dahil sa nabuking na dugasan sa kaban ng bayan na hanggang ngayon ay wala pang malinaw kung sino talaga ang dapat na managot.
Hindi naman ito bago dahil matagal na rin namang nagkaroon ng ganitong imahe ang ating bansa.
Hindi lang naman sa administrasyong ito nagkaroon ng ganyang ‘magic’ ‘ika nga…may mga naganap din na dugasan noon pero hindi nga lang kasinglala ngayon sa pagkakatuklas na ang pera ng bayan na nagmula sa taxes na binabayaran ng mga pobreng pilipino ay pinaglalaruan para gamitin sa mga ghost projects sa ipinagmamalaki pa noon na flood control projects.
Laging pinopondohan na iba’t ibang malalaking proyekto na wala naman…wala…wala…akala mo lang meron…meron…meron!
Pero wala! Wala! Wala!
Grabe na ang pagrereklamo ng mga Overseas Filipino Workers at iba pang mga kababayan natin na naninirahan sa abroad.
Madalas daw kasi na kapag sila ay nasa labas ng kanilang mga pinagtatrabahuhan o maging sa labas ng kanilang mga tirahan ay pansin nila na sila ay pinag-uusapan at palihim na pinagtatawanan na may kasamang pang-iinsulto pa minsan mula sa mga banyaga kilala man nila o hindi.
Hindi ba’t may mga napabalita pa noong huli na dumating pa sa punto na ayaw palitan ng dolyar ang pera ng Pilipinas dahil dito raw sa ating bansa ay kritikal sa isyu ng money laundering.
Nakakahiya ang putsa!
At kailan kaya matatapos ang ganitong nakakahiyang kalagayan ng ating bansa at mga mamamayan sa mapanghusgang mata ng mga mamamamayan sa buong mundo.
At may pag-asa pa kayang maibangon ang dangal ng mga pilipino tungkol sa isyung ito?
Pati mg artista at ilang mga negosyante ay tinatamad na nga rin at nanghihinayang na magbayad ng kanilang mga tax dahil iniisip nila na pinatatambok lamang nila ang bulsa ng mga kawatan sa ating gobyerno.
At kahit tinutugis na at isa-isang iniimbestigahan ang mga sinasabing sangkot sa anomalyang ito ay hindi pa rin makakatakas sa masamang imahe ang mga pinoy hanggang hindi nakikitang makulong ang dapat makulong at mapagbayad ang dapat na magbayad.
Malapit na ang araw ng mga patay…sana’y kunin na ni Lord ang mga lintek na naglangoy sa luho gamit ang pera ng bayan!
Sana’y sunduin na sila ni Mr. Hook at imbitahan na sa kani-kanilang mga puntod sa sementeryo kung hindi rin lang sila mapanagot sa loob ng kulungan.
Hayaan na magbayad sila sa natural na paraan tulad ng pagkalunod sa baha at pagkalibing ng buhay dulot ng lindol sa halip na ang magdusa ang mga inosenteng mamamayan.
At para sa mga buwayang pulitiko na mas makapal pa sa balat ng kalabaw ang mga balat…sana’y huminto na ang inyong mga edad!
